TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Nov 28 (PIA) - - Inalerto ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) region 2 ang mga mamamayang nakatira sa mga mabababang lugar sa banta ng pagbaha dulot ng tuluy-tuloy na ulang dala ng Low Pressure Area.
Ayon kay Engr. Ranshelle Joy Parcon ng PAGASA, maaring maranasan ang mahina hanggang sa katamtamang buhos ng ulan sa Cagayan at Isabela sa loob ng 48 oras, samanatalang mahinang ulan naman ang mararansan sa Nueva Vizcaya at Quirino.
Aniya, ang mga nakatira sa tabing ilog at mga bahaing lugar maging ang mga nasa bulubunduking bahagi ay manatiling mapagmatyag at naka-alerto sa maaring idudulot na pagbaha at pagguho ng lupa ng tuluy-tuloy na buhos ng ulan.
Naglabas din ng abiso ang NIA-MARIIS na nagbukas sila ng dalawang spill way gates sa Magat Dam upang unti-unti ang pagpapakawala ng tubig mula rito.
Inihayag naman ni Ronald Villa, civil defense officer ng OCD-2, dalawang barangay na sa Tuguegarao City, Cagayan at dalawang barangay din sa San Mateo, Isabela ang nagpatupad ng pre-emptive evacuation dahil sa pagbaha.
Ayon pa kay Villa, naka-alerto na ang lahat ng mga local DRRM councils mula sa probinsiya hanggang sa barangay para sa pagresponde sa anumang maaring idudulot na panganib ng masamang panahon.
Iniulat naman ni Marciano Dameg ng DSWD na may anim pang nakabukas na evacuation center sa rehiyon, dalawa rito ay sa Nagtipunan, Quirino at dalawa rin sa Baggao, Cagayan na pawang mga biktima ng landslide noong bagyong "Ulysses" ang mga nanunuluyan, dalawa din sa Tuguegarao City na pawang mga dati nang binaha.
May mga tulay at lansangan na hindi narin madaanan sa bayan ng Baggao, Penablanca at Tuguegarao City. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments