Narra trees itatanim sa mga bakanteng lote at mga paaralan sa Malabon

LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 8 (PIA) -- May bagong pro-environment na proyekto ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon na magtanim ng mga puno ng narra sa mga bakanteng lote at sa mga pampublikong paaralan ng siyudad.

"Para sa patuloy nating pangangalaga sa ating Inang Kalikasan, ang City Government of Malabon ay may proyekto ng pagtatanim ng Narra Trees sa bawat pampublikong eskwelahan at bakanteng lupa ng ating lungsod," ayon kay Mayor Len Oreta.

"Sa pangunguna ng ating City Environment and Natural Resources Office (CENRO), nauna na tayong nakapagtanim sa bakuran ng Muzon Elementary School at Santiago Syjuco Elementary School habang walang pasok ang mga bata," dagdag pa nito.

Ani Mayor Len, sunod na tataniman din ng narra trees ang mga bakanteng lupa sa lahat ng barangay ng lungsod bilang bahagi ng ating preventive measures upang maiwasan ang matitinding pagbaha sa lungsod.

"Sa panahon ng bagyo, ang mga puno at halaman ang magsisilbi nating sandata upang maiwasan ang malalakas na epekto nito sa ating kalupaan. Nakaka-aliwalas din ito ng kapaligiran at nakakalinis ng hangin panlaban sa mga sakit," paliwanag ni Oreta.

"Kaya habang may pagkakataon, let's plant more trees and keep our City clean and green," dagdag pa niya.

Bukod sa lilim at malinis na hangin na dala ng isang puno, mapagkukunan din ito ng kahoy na ginagamit sa konstruksyon at mga paggawa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments