NCR-NCR, kinilala ang 'nutrition heroes' ng Muntinlupa   

LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 8 (PIA) - - Kinilala ng National Nutrition Council-National Capital Region ang City Nutrition Committee ng Lungsod ng Muntinlupa dahil sa mahusay na implementasyon ng kanilang nutrition programs sa gitna ng bagyong Rolly.

Sa mga larawang ibinahagi ng NNC-NCR sa kanilang Facebook page na may titulong ‘Nutrition Heroes In Action’, ipinakikita ng mga barangay nutrition workers ng Muntinlupa ang kanilang mga gawain upang masegurong ligtas ang mga nanay at mga bata at mapanatili ang kanilang kalusugan at nutrisyon habang nasa evacuation center.

Bukod sa pagseset-up ng modular tents para sa evacuees, tiniyak ng pamahalaang lungsod sa payo ng mga nutrition workers na mayroong designated breastfeeding area sa bawat evacuation center para sa mga inang nais na magpasuso ng kanilang anak.

Sa mga designated ‘breastfeeding area’, may mga pribadong cubicle, upuan,  unan, at mababasang materyales na maaaring magamit ng maga nanay kung sila ay magpapasuso ng kanilang anak.

Nagbigay din ang pamahalaan ng counseling para sa mga buntis at nagpapasusong ina at nagbigay ng vitamin A supplements sa mga batang edad limang taon pababa.

Bukod pa ditto, nagbigay ang pamahalaang lungsod ng relief goods at iba pang essential supplies sa mga evacuees.

Mayroon ding medical team sa bawat evacuation center na maaaring lapitan ng mga residente para sa check-up at gamot kung kinakailangan.

Umabot sa 2,000 ang pansamantalang nanirahan sa mga evacuation center na itinayo sa walong bahaing mga barangay ng lungsod na kinabibilangan ng: Sucat, Buli, Cupang, Alabang, Bayanan, Putatan, Poblacion at Tunasan.

Ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ay ilang beses nang naging mahigpit na contender para sa titulong Most Child-Friendly City at Green Banner Award ng National Capital Region kung saan nasungkit nila ang titulong “2018 Green Banner Awardee” na naghahayag ng kanilang dedikasyon upang mapaganda ang nutrisyon ng mga bata at mga nanay sa kanilang lungsod. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments