Pagtatatag sa Department of Disaster Resillience, pinanawagan ng ilang senador

LUNGSOD CALOOCAN, Nov. 3 (PIA) -- Muling isinusulong ng ilang senador ang pagtatatag ng Department of Disaster Resillience (DDR) matapos ang matinding pinsala na idinulot ng Bagyong Rolly, ayon sa ulat ng Radyo Pilipinas 738 kHz.

Ayon kay Senator Christopher "Bong" Go, nirerespeto niya ang opinyon ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa Senado na hindi pabor sa panukalang pagtatatag ng DDR.

Pero panawagan ni Go sa kanyang mga kapwa senador na talakayin nila ang panukala at hayaang gumulong ang legislative process.

Sa pamamagitan aniya nito ay madidinig rin ang panig ng iba pang mga senador, eksperto, at opisyal ng gobyerno kung paanong mapapabuti ang disaster preparedness at response ng bansa. 

Nakiisa naman sa panawagang ipasa na ang DDR si Senator Grace Poe.

Giit ni Poe, kailangan ng isang dedicated agency na siyang tututok lang sa disaster resilience at management ng bansa.

Dapat aniya itong gawing prayoridad para mas mabigyan ng sapat na pagtugon ang mga tao at lokal na pamahalaang nasasalanta ng mga kalamidad. 

Sa ngayon ay ilang panukalang batas tungkol sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience ang nakabinbin pa rin sa Senate Committee on National Defense.

Samantalang ang Kamara ay naipasa na sa third and final reading ang kanilang bersyon nitong Setyembre. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments