Planong pagsasara ng Petron refinery nakababahala --Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Nov. 3 (PIA) -- Nagpahayag ng pangamba si Senator Win Gatchalian sa nakaambang na pagsasara ng oil refinery sa Limay, Bataan ng Petron Corporation dahil sa malaking pagkalugi matapos tamaan ang bansa ng pandemya dala ng COVID-19.

Ang trabaho ng mga manggagawa ang direktang maaapektuhan, ayon kay Gatchalian, oras na magsara ang refinery. Nanawagan sa gobyerno ang senador na gawin ang lahat ng makakaya para maisalba ang operasyo ng refinery at maisalba din ang trabaho ng mga empleyado.  

“Hindi ito ang panahon para magsara ng negosyo. Napakahalaga nito sa mga manggagawa lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya at maraming apektadong pamilya,“saad ni Gatchalian.

“Nananawagan ako sa gobyerno na gamitin ang lahat ng kapangyarihan nito para maisalba ang nanganganib na negosyo ng kumpanya. Ang refinery ay isang mahalagang industriya sa mga umuunlad na bansa dahil may dala itong value-added products,” dagdag pa ng senandor. 

Sa pahayag ni Petron President at Chief Executive Officer Ramon Ang, problema sa usaping buwis at ang lumalaking pagkalugi nila kasunod ng huminang demand nuong kasagsagan ng lockdown ang nagbunsod sa nakaambang na pagsasara ng refinery.

Sakaling matuloy ang plano ng Petron, nakaasa na sa kamay ng mga foreign suppliers ang suplay at presyo ng langis sa bansa. Nauna nang magsara ang refinery ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation dalawang buwan na ang nakakalipas.

Bagamat hindi ganoon kalaki ang magiging epekto ng pagsasara ng refinery dito sa bansa ngayon kung pansamantala lamang ito kasunod na rin ng umaapaw na suplay ng langis sa merkado, sinabi ng chairman ng Senate Energy Committee na ibang usapan na kung pangmatagalan o permanente ang planong pagsasara dahil nakasalalay na sa ibang bansa ang pangangailangan ng buong PIlipinas sa suplay at presyo ng produktong petrolyo. 

Ayon sa record ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), higit sa kalahati o 59.5 porsyento ng kabuuang refinery production noong 2019 ang naproseso ng Petron.

Nasa 20.61 porsyento naman ang naisuplay ng kumpanya sa kabuuang pangangailangan ng bansa sa produktong petrolyo noong nakaraang taon. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments