LUNGSOD, QUEZON, Nob. 30 (PIA) -- Nananawagan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga indigenous people (katutubong kababayan) na iwasan ang pagsali o kaya ay kumalas na sa Communist Terror Groups gaya ng New People’s Army (NPA).
Sa kanyang pahayag nitong Lunes, binanggit ng Pangulo ang panganib na kinakaharap ng mga katutubo o lumad o di kaya ng mga magsasaka sa pagsama-sama sa ganitong terroristang samahan.
“Ang nakakaawa ay yung pobreng tagabukid na madadala ninyo (mga NPA). I think 75 porsiyento (sa Mindanao...sa mga Lumad). Kayong mga Lumad, umuwi kayo at sabihin ninyo sa mga tao ninyo na niloloko lang sila ng NPA. Totoo yan. Maraming namatay na Lumad,” ayon sa pangulo.
Kung hindi titigil sa pagsama ang mga (lumad o ang mga maralita) sa NPA, sinabi ng Pangulo na “palagi na kayong wanted…hindi ka na makababa (mula sa bundok), sabi nga ni (MGen Antonio) Parlade ng AFP delikadong mamatay kayo (baka mapa-engkwentro sa militar).
Nitong Sabado, napatay sa pakikipag-kwentro ng mga tauhan ng Philippine Army 3rd Special Forces Arrowhead Battalion ang 22 taong gulang na si Jevilyn Cullamat, anak ng Bayan Muna partylist representative.
Tumakas at iniwan ng mga kasamang NPA ang batang Cullamat at iba pa nilang mga mataas na klase ng armas matapos ang engkwento sa Sitio San Isidro, Marihatag, Surigao Del Sur.
Kasunod ng pagkamatay ng batang Cullamat, nag-abot ng pakikiramay ang National Task Force ELCAC sa pamilya at kaibigan ni Juvilyn sa Makabayan Bloc.
Ayon kay Undersecretary Lorraine Marie T. Badoy ng Presidential Communication Operations Office at tagapagsalita ng NTF ELCAC, walang nagtatagumpay sa digmaan na nilikha ng mga matatanda at ideolohiya na nakasentro sa doktrina ng pagkamuhi.
Itong rebelyon (ng NPA), ani Usec Badoy, ang nagwatak-watak sa bansa at nagtulak sa mga Pilipino na patayin ang kapwa Pilipino sa loob ng 52 taon.
Pinakahuling pamiminsala ng NPA ay sa Palawan kung saan inako ng Bienvenido Vallever Command ang pagpaslang kay Rizal Municipal Planning and Development Officer Gregorio Baluyot kamakailan.
Bukod sa pagpaslang kay Engineer Baluyot, patuloy pang sinisiraan ng NPA ang biktima sa kanilang propaganda na mariing kinokondena ng Palawan Task Force ELCAC.
Tiniyak ng Palawan Task Force ELCAC na nagpapatuloy ang imbistigasyon sa kaso ni Engineer Baluyot at pagpapanagutin ng mga awtoridad ang mga nasa likod ng pagpaslang sa kanya.
Una rito, kinondena ng Philippine Army 2nd Infantry Division ang pagsalakay ng mga NPA sa mga sundalong nagsasagawa ng relief operation o rumuresponde sa mga biktima ng Bagyong Ulysses sa lalawigan ng Quezon. (LP)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments