LUNGSOD NG QUEZON, Ika-30 ng Nobyembre (PIA) -- Umabot sa 23,237 katao ang naapektuhan ng Ulysses sa may 206 na barangay sa rehiyong Mimaropa.
Walang naitalang namatay sa rehiyon ngunit may naiulat ang OCD Mimaropa na isang electrician na nakuryente at naipagamot sa ospital.
Una rito, inihayag ni OCD Mimaropa Regional Director Ruben Carandang na isang tagumpay ng mga responder, mga ahensiya at lokal na pamahalaan ang kawalan ng buhay na nasasawi sa bawat sakunang nangyayari gaya ng pagdaan ng Bagyong Ulysses.
Sa Imprastraktura, umabot sa P71.929 milyon ang pinsala: National Roads (P30 milyon sa Marinduque at Oriental Mindoro); Provincial Roads (P21.950 milyon sa Marinduque); Flood Control infrastructure (P14 milyon sa Marinduque); iskwelahan (tig-Php 200,000 sa Torrijos, Marinduque at sa Sablayan, Occidental Mindoro).
Sa pampamahalaang imprastraktura, umabot sa P5.079 milyon (sa Torrijos at Sta.Cruz sa Marinduque).
Sa Agrikultura umabot sa P16,879,437 ang pinsala.
Ang pinsala sa palay ay nagkakahalaga ng P4,587,455 (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro at Marinduque); sa mais, P6,497,847 (Sablayan, Occidental Mindoro)
Sa Marinduque, napinsala rin ng bagyo ang mga saging, gulay, root crops at iba pang prutas sa Torrijos (P98,900) samantala karamihan mga gulay ang nasira sa Sablayan, Occidental Mindoro (P4,194,800).
Sa livestock at poultry, umabot sa P825,935 ang halaga napinsala (Boac at Torrijos Marinduque at Sablayan, Occidental Mindoro).
Pagdating sa Pangisdaan, ang halaga ng pinsala ay umabot sa P570,500 (karamihan mga isdang tilapia at bangus sa Socorro Oriental Mindoro at Magsaysay, Occidental Mindoro at Bouy Markers sa Boac, Marinduque)
Lima na motorized banca din ang nasira (apat sa Sablayan, Occidental Mindoro at isa sa Torrijos, Marinduque) na nagkakahalaga ng P104,000. (LP)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments