LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 21 (PIA) -- Pumirma ng kontrata noong Miyerkules, Nobyembre 18, 2020 ang 44 na Public Utility Jeepney (PUJ) drivers upang mapabilang sa Service Contracting Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Miyerkules, ika-18 ng Nobyembre 2020.
Ayon sa LTFRB, ang 44 PUJ drivers ang unang batch na pumirma sa ilalim ng programa.
Ang Service Contracting Program ay isang programa ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang LTFRB, na magbibigay ng karagdagang tulong sa mga drayber ngayong dumaranas ang maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas, ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Layunin ng programa na makapagbigay ng ligtas at maayos na serbisyo sa pampublikong transportasyon para sa mga pasahero.
Dumaan sa training at orientasyon na pinangunahan ng LTFRB Service Contracting Program Implementing Unit (PIU) at Systems Manager ang 44 na drivers bago pumirma ng kontrata.
Sa paglada sa kontrata ng Service Contracting Program, makatatanggap ang mga drivers ng insentibo base sa bilang ng kilometro na kanilang ibiniyahe, at iba pang key performace Indicators na nakapaloob sa programa.
Bukod doon, ang isang driver sa ilalim ng Service Contracting Program ay bibiyahe lamang ng 9 na oras sa isang araw.
Pinapaalalahanan naman ng LTFRB ang mga driver na kailangang sundin nila ang mga public health safety guidelines na ipinatupad ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng 7 Commandments para sa pampublikong transportasyon, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Inaasahang hindi bababa sa 60,000 PUV drivers ang magiging kabahagi ng programa.
Patuloy naman ang panawagan ng LTFRB sa mga PUV driver na mag-register sa Service Contracting Program para mapabilang sa database ng mga drayber na kwalipikadong masama sa naturang programa.
Sa mga nais sumali sa programa, maaaring mag-register sa pamamagitan ng alin man sa mga sumusunod na pamamaraan:
1. Magrehistro sa pamamagitan ng Google Form. I-click ang link na ito: https://ift.tt/3lUMdcP
2. Personal na pumunta sa Door D, Ground Floor, LTFRB Central Office, East Avenue, Quezon City para magrehistro. Maaring mag walk-in mula 9AM hanggang 4PM, Lunes hanggang Biyernes.
3. Tumawag sa aming Hotline: 1342 at ibigay ang impormasyon na hinihingi ng aming personnel.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa Service Contracting Program, regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page. (LTFRB/PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments