9,579 kaso ng COVID naitala sa Pasig

LUNGSOD PASIG, Dis. 25 (PIA) -- Umabot na sa 9,579 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod matapos makumpirma ng lokal na pamahalaan ang karagdagang 37 na kaso base sa pinakahuling datos nitong Disyembre 22.

Gayunman, nakapagtala rin ang lokal na pamahalaan ng 8,954 na mga gumaling sa sakit matapos itong madagdagan ng 38 batay sa inilabas na datos mula sa Department of Health (DOH).

Samantala, isa naman ang naitalang nasawi at nadagdag sa kabuuang bilang na 382 na mga namatay sa naturang sakit.

Sa parehong datos pa rin, dalawa naman ang nabawas sa mga aktibong kaso dahilan para pumalo sa 243 bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Batay dito, pinakamaraming naitala sa Barangay Pineda na may 27 active cases, at sinundan ng Barangay Pinagbuhatan at Rosario na parehong may 20 na aktibong kaso.

Nakapagtala rin ng zero active cases ang mga barangay ng Bagong Katipunan, Oranbo, San Nicolas, at Sta. Rosa.

Patuloy pa rin ang paalala ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na sumunod sa mga umiiral na alituntunin hinggil sa minimum health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, faceshield, tamang paghuhugas ng kamay, at physicial distancing. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments