Higit 7,000 Noche Buena packs, ibinigay ng SM Foundation sa Enrile at Solana

Namahagi ang SM Foundation sa pamamagitan ng programa nitong Operation Tulong Express sa mga residenteng apektado ng pagbaha sa mga bayan ng Enrile at Solana sa Cagayan.

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Dec. 23 (PIA) - - - Lubog man sa baha ang ilang bahagi ng lugar sa mga bayan sa Cagayan, hindi ito alintana ng SM Foundation upang mamahagi ng tulong sa mga residenteng apektado ng pagbaha sa mga bayan ng Enrile at Solana kamakailan.

Sa pamamagitan ng SM Center Tuguegarao Downtown, higit 7,000 Noche Buena packs na galing sa Uniqlo Philippines ang natanggap ng mga residente ng Barangay 4, Villa Maria, San Juan, San Jose at Lanna sa Enrile.

Nakatanggap din ang mga residente ng Solana East noong ika-22 ng Disyembre.

Ang mga bayan ng Enrile at Solana ay ilan lamang sa mga lugar na binaha dito sa Cagayan bunsod ng walang tigil na paguulan na pinalawig ng ulang dala ng bagyong Vicky.

Matatandaan na isa ang SM Foundation sa mga pribadong kompanya na tumugon sa mga kagyat na pangangailangan ng mga residenteng lubhang naapektuhan ng pagbaha noong bagyong Ulysses. (MDCT/PIA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments