LTFRB-2 namigay ng pamaskong regalo sa mga tsuper

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Dec. 25 (PIA) - - Nagsagawa ng 'surprise checkpoint' ang mga kawani ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) region 2 subalit imbes na manghuli ay namigay ng pamaskong handog ang mga ito sa mga bumiyaheng tsuper.

Pinangunahan mismo ni Regional Director Edward Cabase ang nasabing aktibidad na aniya'y maliit lang na regalo para sa mga manggagawang tsuper.

Aniya kailangan din ng mga tsuper ang munting biyaya sapagkat isa sila sa lubhang naapektuhan ng pandemiya at ng magkakasunod na kalamidad sa rehiyon dos.

Ikinatuwa naman ito ng mga tsuper at malaki ang kanilang pasasalamat dahil kahit papano'y may nagmamalasakit sa kanila lalo na sa panahong limitado ang biyahe at idagdag pa ang epekto ng mga pagbaha.

Samantala, hindi man nanghuli ang LTFRB ay nagpaalala pa rin ang mga ito sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.

Ayon kay Cabase kailangan laging ikunsidera ang mga dapat sundin na protocols at guidelines para sa kaligtasan hindi lamang ng kanilang mga pasahero kundi maging sila na rin at nang kanilang mga pamilya. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments