LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 30 (PIA) -- Ibinalita ngayong araw ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na maglalaan ang lokal na pamahalaan ng P20 milyon para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.
Sa ulat ng Radyo Pilipinas, 738 kHz, sinabi ni Mayor Toby na ito'y sa kabila ng plano ng national government na maglaan din ng bakuna para sa mga residente ng lungsod.
Ayon pa sa alkalde, plano nilang magsagawa ng survey upang malaman ang opinyon at ang preferred brand ng bakuna ng mga residente.
Paliwanag ni Tiangco, ito ay dahil pera ng bayan ang gagastusin sa pagbili ng bakuna at hindi maaring ipilit na iturok ang bakuna sa tao. Plano rin nito na ibigay ang magiging resulta ng survey sa national government.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na tanging mga bakuna na aprubado ng FDA ang ikukunsiderang bibilhin.
Samantala, habang wala pang bakuna ay tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na libre pa rin ang COVID-19 testing para sa mga residente nito. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments