Publiko pinag-iingat sa mga manlilinlang gamit ang PhilSys

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 1 (PIA) --Pinaalalahanan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko na mag-ingat at umiwas sa mga indibidwal o grupo na naglalabas ng mali at mapanlilnlang na impormasyon tungkol sa Philippine Identification System (PhilSys).

Ang PhilSys o kilala bilang National ID System ay programa ng gobyerno na  naglalayong mabigyan ng pangunahing patunay ng pagkakakilanlan ang bawat Pilipino.

Ayon sa PSA, nakatanggap sila ng ulat ukol sa ilang post mula sa Facebook group na Philippine National ID (News & Information) at isang indibidwal na gumagamit ng pangalang ‘Calvin Processings’ ang umano’y nagpa-process ng PhilID na may kaukulang bayad or fee.

Niliwanag ng PSA na ang pag-register sa PhilSys ay libre kung kaya’t hinihikayat ang publiko na i-report kaagad ang mga pekeng post, page o indibidwal na gumagawa ng iligal na aktibidad ukol sa PhilSys.

Maaaring magpadala ng mensahe sa aming Facebook page para i-report ang mga nasabing post (m.me/PSAPhilSysOfficial) o kaya ay tumawag sa PhilSys hotline, 1388 (may kaukulang bayad).

Ang PhilSys Registration ay may tatlong hakbang (TINGNAN: https://bit.ly/38EkTKn). Kasalukuyang isinasagawa ng mga PSA enumerators ang Step 1 registration para sa low-income household heads sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay sa 32 initial provinces. Sa 2021 ay bubuksan na sa publiko ang registration sa PhilSys.

Mahigpit ring pinapaalala sa publiko, lalo na sa mga nagbabalak mang-scam o manloko, na ang unauthorized na pag-issue at paggamit ng PhilID ay may karampatang parusa na tatlo hanggang anim na taong pagkakakulong, at multang isa hanggang tatlong milyong piso (1,000,000 to P3,000,000) ayon sa Implementing Rules and Regulation (IRR) ng R.A. No. 11055 o Philippine Identification System Act. (PSA/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments