Tagalog News: 109,000 board feet na mga punong kahoy, nakumpiska ng PENRO-Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN, Disyembre 2 (PIA) -- Nasa 109,000 board feet na mga punong kahoy ang nakumpiska ng Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO Nueva Ecija ng Department of Environment and Natural Resources.
 
Ayon kay PENRO Head Joselito Blanco, ito ang kabuuang dami ng mga nasamsam na mga punong kahoy mula sa mga isinagawang pagpapatrolya ng tanggapan katuwang ang mga kapulisan at kasundaluhan sa lalawigan sa loob lamang ng siyam na buwan mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon.
 
Aniya, kung ibabase sa dami ay halos katumbas na ito ng mga nakumpiska ng tanggapan sa loob ng limang taon simula 2015 na nakahuli ng 130,000 board feet na mga punong kahoy. 
 
Paliwanag ni Blanco, dahil sa mga ipinatutupad na protocol kontra COVID-19 ay napigil ang mga illegal logging activities kaya naiwang nakaimbak sa mga kabundukan ang mga naputol nang punong kahoy.
 
Kaugnay nito ay ang kawalan ng trabaho ang nakikitang dahilan kaya’t mayroon pa ding mga operasyon ng illegal logging sa lalawigan na pinipiling maging hanapbuhay o mapagkukuhanang kita ng ilang mamamayan sa Nueva Ecija.
 
Aniya, maituturing na hotspot pa din ang bayan ng General Tinio na nasa bahagi ng boundary ng Bulacan at Nueva Ecija na isa sa may magandang kagubatan sa lalawigan.

Ipinanawagan ni Nueva Ecija Provincial Environment and Natural Resources Officer Joselito Blanco (gitna) na huwag abusuhin ang kalikasan na mayroon ang bansa sa kasalukuyan bagkus ay makiisa sa pag-iingat nito nang masilayan at mapakinabangan din ng mga susunod na henerasyon. (Camille C. NagaƱo/ PIA 3)

Gayundin ay nananatiling hamon sa tanggapan na mapangalagaan ang Sierra Madre na malaki ang naitutulong sa pagharang sa hangin o bagyong nananalasa sa bansa na nagmumula sa dagat pacifico. 
 
Ayon pa kay Blanco, kabilang sa mga hakbangin ng tanggapan upang mapangalagaan ang mga nasasakupang likas na yaman ay ang pagkakaroon ng matatag na ugnayan sa mga Peoples’ Organization na katuwang sa pagpaparami ng mga itinatanim na punong kahoy, pangangalaga sa mga kagubatan o sa kalikasan. 
 
Bukod aniya sa nakatutulong na sila sa kanilang komunidad ay pangunahin din silang nabebenepisyuhan  sa pagkakaroon ng ligtas at malinis na kapaligiran. 
 
Kaniyang patuloy na panawagan sa lahat ay huwag abusuhin ang kalikasan na mayroon ang bansa sa kasalukuyan bagkus ito ay ingatan nang masilayan at mapakinabangan ng mga susunod pang henerasyon. 
 
Para sa mga may nais idulog, isumbong na mga ilegal na gawain na nakasisisira sa kalikasan ay maaaring tumawag o mag-text sa 0939-917-8211. (CLJD/CCN-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments