PENRO-Nueva Ecija, hangad na marami pang maitanim na kawayan

LUNGSOD NG CABANATUAN, Disyembre 2 (PIA) -- Hinihikayat ng Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO ng Department of Environment and Natural Resources ang mga taga Nueva Ecija na magtanim ng kawayan.
 
Ayon kay PENRO Head Joselito Blanco, mahalaga ang pagtatanim ng mga puno upang maiwasan ang mga sakuna tulad ng pagguho ng lupa na resulta ng pagpuputol ng mga punong kahoy sa mga kagubatan.
 
Aniya, isa sa mga isinusulong ng ahensya ay ang pagtatanim ng kawayan na kapag pinutol ay muli pang uusbong hindi gaya ng ibang punong kahoy na kapag pinutol ay hindi na mapakikinabangan.
 
Nagagamit din ang kawayan sa paggawa ng plywood o engineered bamboo sa pagbuo ng mga kasangkapan, pagdidisenyo at iba pa.
 
Ibinalita din ni Blanco na simula 2016 ay nasa 2,000 ektaryang lupain sa Nueva Ecija ang nataniman na ng kawayan na layon pang madagdagan sa susunod na taon na may target na 1,000 ektarya lupaing matataniman. 

Hinihikayat ni Nueva Ecija Provincial Environment and Natural Resources Officer Joselito Blanco ang pagtatanim ng mga kawayan na makatutulong sa pangangalaga ng kagubatan at pag-iwas sa malalalang epekto ng kalamidad. (Camille C. NagaƱo/PIA 3)

Kabilang sa mga lugar na pagtataniman ng kawayan ay ang mga river bank sa lalawigan upang mapangalagaan at maiwasan ang insidente ng pagguho ng lupa partikular sa bahagi ng Carranglan, Cabiao, Cabanatuan, Llanera, San Jose at iba pang bahagi ng lalawigan. 
 
Sinabi din ni Blanco na katuwang ng ahensiya sa pagpapatupad ng proyekto ang mga Peoples’ Organization na nagtatanim, nagpapatubo, nangangalaga ng puno na tutumbasan naman ng halaga ng kagawaran.  
 
Sa isang ektaryang lupain aniya ay nasa 200 ang puno na maaaring itanim na binabayaran ng PENRO sa halagang 30-piso kada seedling pa lamang bukod pa ang gugol para sa pagtatanim, pangangalaga, at pagbibigay proteksiyon sa mga taniman sa loob ng tatlong taon. 
 
Bukod sa pagtatanim ng mga puno ay patuloy na panawagan ni Blanco na huwag abusuhin ang kalikasan na mayroon ang bansa sa kasalukuyan bagkus ito ay ingatan nang masilayan at mapakinabangan ng mga susunod pang henerasyon. 
 
Maiiwasan din aniya ang mga malalalang epekto ng kalamidad tulad ng mga pagbaha na kahit saan ay maaaring mangyari o maulit dahil sa mga kapabayaan at pagsira sa kalikasan. (CLJD/CCN-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments