Tagalog News: DTI Bulacan, nagkaloob ng ayuda sa mga nasa industriya ng paputok

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 2 (PIA) -- May 36 na manggagawa ng paputok sa bayan ng Bocaue ang pinagkalooban ng tulong ng Department of Trade and Industry o DTI Bulacan sa pamamagitan ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG.

Ayon kay DTI Director-in-charge Ernani Dionisio, naglaan ang kanilang ahensya ng tulong sa industriya pagkat lubhang naapektuhan ito ng pandemya gayundin ang ginawang paghihigpit sa polisiya at regulasyon sa pagbebenta ng paputok.

Halagang 10 libong piso halaga ng livelihood kit ang ipinagkaloob sa kada fireworks manufacturing enterprise na maaring ilaan sa ibang uri ng negosyo tulad ng sari-sari store, loading station, rice store, retail store at frozen products businesses na magsisilbi nilang bagong pagkakakitaan.

May 36 na manggagawa ng paputok sa bayan ng Bocaue ang pinagkalooban ng tulong ng Department of Trade and Industry Bulacan sa pamamagitan ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa. (DTI Bulacan)

Bago ang pamamahagi, sumailalim muna ang mga benepisaryo sa isang entrepreneurship development seminar upang mapalawak ang kanilang kaalaman at karanasan sa pagsisimula at paglago ng negosyo.

Ang PPG ay nagbibigay ng ayuda sa mga pamilya o indibidwal na naaapektuhan ng sunog, bagyo, baha o iba pang kalamidad. (CLJD/VFC-PIA 3)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments