Tagalog News: 2,300 Dumagat sa Bulacan, tumanggap ng ‘kalinga’ packs

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 27 (PIA) -- May 2,300 katutubong Dumagat at pamilya mula sa ilang bayan sa Bulacan ang magkatuwang na hinatiran ng “kalinga” packs ng mga tropa ng Army 48th Infantry Battalion at tauhan ng SM Bulacan malls.

Unang hinatiran ng relief goods ang 600 Dumagat sa Sitio Macua, Johnson, Pinag-anakan at Basyo sa barangay Kabayunan, Doña Remedios Trinidad gayundin sa Sitio Santol at Dike sa barangay San Lorenzo, Norzagaray.

May 600 rin Pamaskong “kalinga” packs ang ipinamahagi sa mga mahihirap na pamilyang nakatira sa slum areas ng Abangan Sur sa bayan ng Marilao at 400 naman relief packs sa mga mahihirap na pamilya sa barangay Poblacion, Tibag at Bagong Nayon sa Baliwag.

Samantala, 500 naman ang dinala ng grupo sa barangay Sto Cristo sa Pulilan at 200 sa Muzon at Sto. Cristo sa Lungsod ng San Jose del Monte.

Naglalaman ang bawat pack ng bigas, delata, bottled water, noodles at regalo para sa mga bata.

May 2,300 katutubong Dumagat at pamilya mula sa ilang bayan sa Bulacan ang magkatuwang na hinatiran ng “kalinga” packs ng mga tropa ng Army 48th Infantry Battalion at tauhan ng SM Bulacan malls. (Army 48th Infantry Battalion)

Ayon kay Army 703rd Brigade Commander BGen. Andrew Costelo,  maganda na ngayong kapaskuhan ay mabigyan ng pansin at malasakit ang mga kababayan na nangangailangan, lalong-lalo na ang mga katutubo.

Ang diwa ng Pasko ay pagkakaisa, pagbibigayan, at pagmamahalan na siyang susi sa tunay na kapayapaan.

Sinabi naman ni SM Supermalls President Steven Tan na matapos ang naranasan pandemya at iba pang kalamidad ngayong taon, panahon naman upang bigyan ng pag-asa at abutin ang higit na mga nangangailangan. 

Sa kabuuan umaabot na 70,000 ang naipahamagi ng nasabing establisyimento sa buong bansa. (CLJD/VFC-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments