Tagalog News: DPWH, naglaan ng P900M para sa MacArthur rehab sa Calumpit-Bocaue

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 27 (PIA) -- Naglaan ng 900 milyong piso ang Department of Public Works and Highways o DPWH para sa pagpapatino ng kalidad ng kalsada sa kahabaan ng MacArthur Highway, partikular na sa bahagi mula Calumpit hanggang Bocaue.
 
Ayon kay DPWH First Bulacan District Engineer Henry Alcantara, ang magiging sistema ay tutuklapin ang mga nabasag, sira at lumundong konkreto na inilatag mula taong 2015 hanggang 2016. Lalagyan ng malalaking kanal sa magkabilang gilid at itataas ang mga bahaging binabaha.
 
Bukod sa itatambak na lupa upang umangat ang lebel ng highway, gagamitin ang teknolohiyang cement treated base. Ito’y upang maging mas metatag ang pundasyon nitong highway kahit na daanan ng mabibigat na sasakyan.

Si DPWH First Bulacan District Engineer Henry Alcantara. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Sa ibabaw nito, may kapal na pitong metro o katumbas na 14 na pulgada ang ibubuhos na konkretong semento sa mismong magiging roadway nito.
 
Sinimulan ang rehabilitasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng MacArthur Highway sa bahagi ng hangganan ng mga bayan ng Bocaue at Balagtas.
 
Binigyang diin pa ni Alcantara na kapag natapos ang proyekto sa unang bahagi ng 2021, makakatulong ito sa mas maginhawang biyahe lalo na ng mga nagpapakiskis ng Palay sa bahaging ito ng nasabing highway. (CLJD/SFV-PIA 3)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments