Tagalog News: BARMM gov’t nagkaloob ng insentibo sa performing LGUs

LUNGSOD NG COTABATO, Dis. 26 (PIA) –Abot sa 118 Local Government Units (LGUs) sa rehiyon ng Bangsamoro ang pinagkalooban kamakailan ng mga parangal at insentibo ng Ministry of Interior and Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MILG-BARMM) dahil sa kanilang mahusay na pagganap ng mga tungkulin sa taong 2020.

Sinabi ni MILG-BARMM Minister Atty. Naguib Sinarimbo na ito ay sa pamamagitan ng Local Government Functional Appraisal Award (LoGFA) at Lupon Tagapamayapa Incentive Award (LTIA) ng ministry. Nabatid na 51 LGUs mula sa mga probinsya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ang ginawaran ng LoGFA, kung saan ang bawat isa ay nakatanggap ng P200,000 at mga plaque of recognition.

Samantala, walong mga barangay ang nakasungkit ng LTIA kung saan ang tinanghal na kampeon ay nakatanggap ng P125,000 at P100,000 naman para sa first place habang P75,000 para sa second placer.

Para sa 4th-6th class category, ang Barangay Kauran sa Ampatuan, Maguindanao ang idineklarang kampeon. First placer ang Barangay Mao sa Datu Abdullah Sangki ng kaparehong probinsya at second placer naman ang Barangay Pindolonan sa Buadiposo Bunting, Lanao del Sur.

Itinanghal namang kampeon ang Barangay Rempes sa Upi, Maguindanao para sa 1st-3rd class category. First at second placers ang Barangay Cebuano Group sa Wao, Lanal del Sur at Barangay Tumahubong sa Sumisip, Basilan.

Nakatanggap din ng P125,000 ang Barangay Tumbras sa Midsayap, North Cotabato sa ilalim ng special geographic area category. Sa kabilang banda, kaparehong premyo din ang nakuha ng Barangay Limo-ok sa lungsod ng Lamitan sa ilalim ng city category.

Dagdag pa dito, 10 mga barangay mula sa mga probinsya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at lungsod ng Lamitan ang nakatanggap ng P20,000 bawat isa para sa pagiging regional finalists.

Binigyang-diin ni Sinarimbo na layunin ng LTIA na kilalanin ang mga functional local government at mga barangay na ang ‘Lupon Tagapamayapa’ ay naging matagumpay sa pag-ayos ng mga alitan sa kani-kanilang mga komunidad.

Samantala, 49 na mga munisipalidad naman sa BARMM ang nakatanggap ng Special Anti-Drug Abuse Council Awards.

Bukod sa mga LGU, nagbigay din ng pagkilala ang MILG sa mga Civil Society Organization na nagpapatupad ng mga interbensyon sa mga drug affected na komunidad at umaambag sa pagsusulong ng drug-free na rehiyon. Ang mga awardee ay ang Council of Sumisip Youth Leader, Kadtabangan Foundation for Peace and Development Advocates Inc., at Balay Mindanaw. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments