LUNGSOD NG COTABATO, Dis. 12 (PIA) – Nagtalaga ng mga bagong opisyal at empleyado sa kanilang regional at provincial offices ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MAFAR-BARMM).
Ito ay upang mapalakas pa ang paghahatid serbisyo at pagpapatupad ng mga proyekto at programa sa rehiyon. Nabatid na 45 sa mga bagong empleyado ay itinalaga sa regional office ng MAFAR, 10 sa Maguindanao provincial office, 10 sa Sulu, walo sa Lanao del Sur, walo sa Basilan, at pito sa Tawi-Tawi.
Sa naganap na oath-taking ceremony kamakalawa, binigyang-diin ni MAFAR-BARMM Minister Mohammad Yacob na malaki ang magiging responsibilidad ng mga bagong talagang empleyado lalo na at nakasentro sa sektor ng agrikultura, pangingisda, at agrarian reform ang economic development ng rehiyon ng Bangsamoro.
Hinikayat pa ni Yacob ang mga bagong empleyado na gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin upang makatulong sa mga magsasaka, mangingisda, at mga agrarian reform beneficiary.
Samantala, pinangunahan ni Bangsamoro Mufti Abu Huraira Udasan ang pledge for ‘moral governance’ ng mga bagong talagang opisyal at empleyado at ipinaliwanag ang kahalagahan moral governance sa burukrasya ng BARMM. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments