Tagalog News: P2.1M farm inputs ipinamahagi sa mga farmer organization sa Cotabato Prov

Photo: PGO-IDCD

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Dis. 20 (PIA)-- Abot sa P2.1 milyong halaga ng farm inputs ang ipinagkaloob noong Huwebes ng pamahalaang panlalawigan sa mga farmer organization sa probinsya.

Ang mga farm input ay kinabibilangan ng 40 yunit ng collapsible solar drier at 20 set ng pump at engine sets. Ito ay ipinamahagi sa mga farmer organization mula sa mga bayan ng Magpet, President Roxas, Matalam, Arakan, Midsayap, M'lang, Libungan, Aleosan, Makilala, Pigcawayan, Pikit, Kabacan, at  Carmen.

Ayon kay Engr. Elena Ragonton, pinuno ng OPAg Engineering Division, makakatulong ang mga collapsible drier upang mabawasan ang post harvest losses. Sa kabilang banda ang mga pump at engine set naman ay makatutulong sa mga erya at farmland na may limitadong suplay ng tubig.

Kaugnay nito, nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan si Joy Prudente, Sr., presidente ng Dalapuan Trisource Framers Association ng bayan ng Antipas. Aniya, malaking tulong ang mga farm input sa kanilang mga sakahan lalo na ngayong may pandemya.

Ang distribusyon ay pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg). Ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na maisulong ang mga programang pang-agrikultura upang matulungan ang mga magsasaka, lalo na yaong lubos na naapektuhan ng pandemya at iba pang mga kalamidad. (With reports from PGO-IDCD)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments