Tagalog News: Salubungang tulay ng Labangan 1 sa Calumpit, gagawing apat na linya

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 27 (PIA) -- Lalaparan hanggang sa apat na linya ang salubungang tulay ng Labangan 1 sa bayan ng Calumpit bilang tugon sa masikip na daloy ng trapiko sa bahaging ito ng MacArthur Highway.
 
Ayon kay Department of Public Works and Highways First Bulacan District Engineer Henry Alcantara, nagkakaroon ng pag-iimbudo ang mga sasakyan na dumadaan dito kapag dumarating sa Labangan 1.
 
Kaya’t ipapantay na sa kasalukuyang lapad ng Mac Arthur Highway ang nasabing tulay na magiging apat na linya. May halagang 115 milyong piso ang proyekto na nagsimula na ang pagbabaon ng mga pundasyon.
 
Base sa disenyo, mananatiling nakatayo ang kasalukuyang dalawang linyang tulay.  Aalisin lamang ang bakuran ng tulay upang maidugtong ang dalawang karagdagang linya sa magkabilang panig nito.

Nasa larawan ang lalaparang tulay ng Labangan 1 sa bayan ng Calumpit. Kasalukuyan itong salubungan lamang na nakatakdang gawing apat na linya ng Department of Public Works and Highways.Bukod sa ipapantay ito sa kasalukuyang lapad ng MacArthur Highway, mapapaluwag at mapapabilis naman an daloy ng trapiko sa bahaging ito ng nasabing highway. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Isa ang Labangan 1 sa pitong sunud-sunod na mga tulay na nadadaanan sa Mac Arthur Highway sa bayan ng Calumpit.  Taong 2002 nang isailalim sa rekonstruksyon itong tulay ng Labangan 1 na natapos noong 2004.
 
Nang magsimula ang pagpapalapad ng MacArthur Highway noong 2005, isa-isa na ring nilaparan ang mga tulay ng Labangan 7, Labangan 6, Labangan 5, Labangan 4, Labangan 3 at Labangan 2.
 
Natira na lamang na hindi nalalaparan ang Labangan 1 dahil mas mahaba ito at tumatawid sa malalim na ilog Angat.
 
Dahil dito, isinailalim sa masinsinang feasibility study ang proyekto upang matiyak na maging maayos ang implementasyon ng proyekto at maproteksiyonan ang kapakanan ng mga gagawa rito.
 
Sa itinakdang pagtatapos nitong proyekto sa taong 2021, mapapaluwag at mapapabilis nito ang daloy ng trapiko sa bahaging ito ng Mac Arthur Highway.
 
Nagsisilbi itong alternatibong daan sa North Luzon Expressway ng mga papunta sa Metro Manila sa timog at sa Pampanga sa hilaga.
 
Kasabay ng proyektong pagpapalapad ang nakatakda ring rehabilitasyon ng MacArthur Highway mula sa Calumpit hanggang sa Bocaue.  (CLJD/SFV-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments