Tagalog News: Pagkumpleto sa Bustos north-southbound flyover, pinondohan na

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 27 (PIA) -- Nagdagdag ng 30 milyong piso ang Department of Public Works and Highways o DPWH para sa pagkukumpleto ng konstruksyon ng Bustos Northbound Flyover.
 
Ayon kay DPWH First Bulacan District Engineer Henry Alcantara, naitayo na ang mismong istraktura ng nasabing flyover kung saan nakapagkalso na ng steel girder na tumawid sa panulukan ng Plaridel Bypass Road at ng General Alejo Santos Highway. Ginugulan ito ng naunang inilaan na 70 milyong piso.
 
Magsisilbing roadway sa ibabaw ng ginagawang flyover ang steel girder na ikinalso habang gagamitin ang karagdagang 30 milyong pisong pondo sa paglalatag ng mga approaches o ang akyatan at babaan nitong dalawang linyang flyover.
 
Itinayo ito bilang pagtugon sa mabagal hanggang sa pagsikip ng daloy ng trapiko sa bahaging ito ng Plaridel Bypass Road.
 
Ipinaliwanag ni Alcantara na inuna ang pagtatayo ng northbound flyover dahil marami nang dumadaan dito patungo sa hilagang bahagi ng Bulacan gaya ng San Rafael, San Ildefonso, San Miguel at sa mga lalawigan sa hilaga at silangan ng Luzon.

Nagdagdag ng 30 milyong piso ang Department of Public Works and Highways para sa pagkukumpleto ng konstruksyon ng Bustos Northbound Flyover. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Para naman sa pagsisimula ng konstruksyon ng southbound flyover, o ang direksiyon patungo sa Balagtas entry ng North Luzon Expressway, halos nasa 200 milyong piso ang inilaan na kasama sa pambansang badyet ng 2021.
 
Sinabi pa ng district engineer na bahagyang mas malaki ang inilaan dito ng DPWH dahil kasama ang pagsasaayos ng panulukan ng Plaridel Bypass Road at ng General Alejo Santos Highway.
 
Kapag nakumpleto ang konstruksyon nitong dalawang magkatabing flyovers, mapapaluwag na nito ang trapiko sa kahabaan ng General Alejo Santos Highway at sa Plaridel Bypass Road sa bahagi ng Bustos.
 
Dito dumadaan ang mga kalakal na palay, gulay at iba pang produktong agrikultural na iniluluwas patungo sa Metro Manila. (CLJD/SFV-PIA 3)
 
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments