TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Dec. 7 (PIA) - - Matapos magpositibo sa COVID-19 ang anim na empleyado ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao kahapon ay isinara sa loob ng anim na araw ang City Hall.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano tanging ang City Treasurer Office at City Assessor ang bukas para lamang sa mga importanteng transaksyon.
"Nagkaroon ng malawakan din na testing sa City Hall. Ang lumabas po na additional is four, so ang ginawa ko po, nagdecide po kami kahapon na i-close po muna namin ang City Hall at nagdisinfect kami", pahayag ni Soriano.
Aniya, may 'family transmission' ng COVID-19 ngayon sa lungsod dahil ang mga nagpositibo ay nahawaan na ang mga miyembro ng kanilang pamilya.
Una na ring nagsagawa ng 'aggressive community testing' ang Kagawaran ng Kalusugan pagkatapos ng matinding pagbaha na naranasan sa lungsod.
Sa 2, 294 na specimen sample, 22 lamang ang nagpositibo. Gayonman, dahil sa contact tracing sa mga nagpositibo ay sumipa sa 88 ang aktibong kaso sa araw na ito.
Dahil dito inirekomenda ni Governor Manuel Mamba na muling pag-aralan ang pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine sa lungsod ng Tuguegarao.
Ngunit hiniling ni Soriano na antayin muna ang resulta ng isinasagawang zonal containment at agresibong pag-isolate sa mga pamilyang nagkaroon ng quarantine.
"Bigyan po natin ng konting pagkakataon ang ating mga isinagawang mga istratehiya, mga zonal containment. Kung bababa po ang problema natin sa COVID dito sa Tuguegarao kaya napakaaga po na magdesisyon tayo sa ganyang mga bagay," ani Soriano.
Ayon pa kay Soriano, bagama't tuloy pa rin ang ginagawang relief distribution sa mga sinalanta ng pagbaha, hindi na pinapayagan ang mga grupo o organisasyon mula sa mga high risk areas na magdistribute sa lungsod.
Maaari na lamang umanong ilagay sa mga drop-off point sa mga boundary barangay ang mga ipapamahagi at ang mga opisyal na lamang ng lungsod o mga partner organization at agencies nila na nasa loob na ng lungsod ang mamamahagi sa nga ayudang ipapamahagi. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments