DAGUPAN CITY, Enero 30 (PIA) - Namahagi ng tulong pinansiyal at mga food packs sa mga mangingisda at magsasaka ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City sa ilalim ng programang ‘Bayanihan to Recover as One Act' (Bayanihan 2).
Mayroong 161 na magsasaka at mangingisda mula sa limang barangay - Bacayao Norte, Bonuan Binloc, Bolosan, Bacayao Sur, at Bonuan Boquig - ang unang nakatanggap ng ayuda sa programang ito ng gobyerno.
Tatlong libong piso (P3,000) na tulong ang ibinibigay bilang tulong na salapi habang ang natitirang dalawang libong piso (P2,000) ay inilaan para sa mga pagkain katulad ng bigas (P1,000), manok (P600), at itlog (P400 ).
Ang pamamahagi ng tulong ay ginanap sa City Plaza na pinangunahan ni Mayor Brian Lim kasama si City Administrator Vladimir Mata, na siya ring tumatayong City Agriculturist.
Pinasalamatan ni Lim ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na tumulong upang makapamahagi ng mas maraming biyaya sa mga Dagupenos.
"Nagpapasalamat ako sa kanila. In this way marami tayong matutulungan,” ayon kay Lim.
Ang naturäng programa ay bahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng Bayanihan 2 na naglalayong magbigay ng direktang pagkain at tulong pinansyal sa mga higit na naapektuhan ng pandemya. (JCR/VHS/RPM, PIA Pangasinan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments