Muntinlupa target mabakunahan ang 5,600 katao kada araw

Pinangunahan ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi isinagawang COVID-19 vaccination simulation sa lungsod nitong Biyernes sa Muntinlupa National High School – Main. (Larawan mula sa Muntinlupa City PIO)

LUNGSOD QUEZON, Enero 31 (PIA) -- Nasa 5,600 katao ang target ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa na mabigyan ng bakuna kada araw.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ito’y sa tulong ng 56 vaccination teams nito batay sa best case scenario ng supply availability sa isinagawang unang COVID-19 vaccination simulation sa lungsod nitong Biyernes sa Muntinlupa National High School – Main.

Layon ng naturang simulation exercise ang maihanda ang local vaccination teams sa proper handling at vaccine administration sakaling matanggap na ng lungsod ang bakuna para sa COVID-19.

Ayon kay Muntinlupa City Health Officer Dra. Teresa Tuliao, ang nasabing aktibidad ay makatutulong din sa lokal na pamahalaan na mapabuti ang ang vaccination site management nito. Pinaplanong gawing vaccination centers ang 28 pampublikong paaralan sa lunsod.

Ang vaccination facilities ay magkakaroon ng mga sumusunod na lugar: registration, counselling and consent, screening, vaccination proper, at post-vaccination monitoring.

Dagdag pa nito, hinahanda na rin ang operational logistics ng vaccination program upang matiyak at tamang paghawak at tama at maayos na disposal nito kabilang na ang reverse logistics.

Ayon sa Public Information Office, ang Muntinlupa LGU ay bibili ng 48 refrigerators at 2 freezers bilang storage equipment para sa mga bakuna. Nakikipag-ugnayan din ang CHO sa mga storage rental facility sa lunsod para sa cold chain management ng mga bakuna na may special storage requirements. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments