Pagbabayad ng buwis sa Malabon, online na!

Mayor Len Oreta (PIA NCR file photo)

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 5 (PIA) -- Mas pinadali na ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang pagbabayad ng buwis sa siyudad matapos magpatupad ng Online Payment System para sa mga taxpayer nito.

"Para sa kaalaman ng lahat, ang ating Pamahalaang Lungsod ay kasalakuyang nagpapatupad ng Online Payment System para sa mga taxpayer na magbabayad ng Real Property Tax, Business Tax at iba pang miscellaneous payment," paalala ni Mayor Len Oreta ngayong araw sa Facebook.

Ayon kay Mayor Len, bahagi ito ng pag-iingat ng lungsod laban sa pagkalat ng sakit na COVID-19 sa City Hall.

"Isa ito sa ginagawa nating paraan upang ma-kontrol ang pagpasok ng mga tao sa loob ng ating City Hall at patuloy na maipatupad ang safety protocols para masiguro ang kaligtasan ng bawat #Malabonian mula sa COVID-19," aniya.

Sa ilalim ng Online Payment System, kailangan munang mag-email ng taxpayer ng request letter sa city.treasurer@malabon.gov.ph kasama ang latest billing at bayad para maihanda ang order of payment.

Kapag natanggap na ng lokal na pamahalaan ang letter request, ang treasury personnel naman ay magpapadala ng order of payment sa taxpayer.

Ang taxpayer ay kailangnang magdala ng proof of remittance ng kanyang full payment alinsunod sa natanggap na order of payment account ng Land Bank of the Philippines.

Ibeberipika naman ng treasury personnel ang payment remittance ng taxpayer at iba-validate ito sa Land Bank of the Philippines.

Pagkatapos, ipadadala ng treasury personnel ang official receipt ng taxpayer sa pamamagitan ng email o delivery service na sasagutin ng taxpayer ang gastos.

Kung may iba pang katanungan, tumawag lamang sa Malabon City Treasurer Office: 8-281-4999, local 3005, 3007, 3009, o 3008. (PIA NCR)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments