Pagtatatag ng Liquefied Natural Gas terminals kailangang itaguyod –Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 4 (PIA) -- Nakatakdang talakayin sa Senado sa Martes, Enero 5, ang isang panukalang magtataguyod ng industriya ng natural gas sakaling tuluyan nang magsara ang Malampaya deep water gas-to-power project kapag nawalan na ito ng suplay at posibleng maging sanhi ng rotational brownouts sa susunod na taon.

Ang paghahain ng Senate Bill No. 1819, ayon kay Senator Win Gatchalian, ay isang hakbang para sa paghahanda sa napipintong pagkaubos ng suplay ng gas mula sa Malampaya-Camago wells.

Pangungunahan ni Gatchalian ang pagdinig bukas bilang chairman ng Senate Energy Committee.

“Inaasahan ang pagbaba ang suplay ng gas mula sa Malampaya sa taong 2024 at bilang paghahanda, hinihikayat ng Department of Energy (DOE) ang pribadong sector na magtayo ng receiving terminals para sa mga imported liquefied natural gas (LNG),” ayon sa senador.

“At dahil wala pa tayong natutuklasang mapagkukunan ng suplay ng gas, mapipilitan tayong mag-angkat ng LNG upang masiguro ang patuloy na operasyon ng 3,200-megawatt na mga planta ng kuryenteng umaasa sa suplay mula sa Malampaya,” paliwanag ni Gatchalian.

Lima ang plantang sinusuplayan ng Malampaya project at ito ay kumakatawan sa 20 porsyento ng kuryenteng nagmumula sa Luzon grid batay sa impormasyon ng Department of Energy (DOE) Power Statistics noong 2019 at nagsu-suplay ng 53.75 porsyentong pangangailangan ng Meralco.

Dagdag sa suliraning kinakaharap sa Malampaya, bukod sa natutuyo nitong suplay, ay ang pagwawakas ng service contract nito sa taong 2024.

Naglabas ang DOE ng circular noong Nobyembre 2017 na bumabalangkas ng mga regulasyong dapat sundin ng mga stakeholders sa industriya ng downstream natural gas.

Subalit kinakailangan itong magkaroon ng kaukulang batas upang ganap na masaklaw ang lahat ng aspeto sa industriya ng midstream natural gas katulad ng transportasyon, transmission, storage, at marketing ng natural gas sa orihinal o liquefied nitong anyo.

“Dahil masalimuot ang midstream natural gas industry, kailangan ng isang komprehensibong batas upang mapunan ang mga puwang at mapaigting pa ang mga umiiral na mga polisiya. Kailangan natin ito upang maisulong ang potensyal ng natural gas bilang isa sa mga pangunahing mapagkukunan ng suplay ng enerhiya ng bansa,” ani Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments