Tagalog News: Pagtatayo ng Provincial Training Center sa Sablayan, sisimulan sa Pebrero

Sisimulan sa Pebrero ang pagtatayo ng gusali ng Provincial Training Center (PTC) sa Sablayan. Kuha ang larawan noong nakaraang groundbreaking ng PTC na dinaluhan ni TESDA Secretary Isidro Lapeña. (TESDA Oksi Mindoro)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 31 (PIA) – Nakatakdang simulan sa Pebrero ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang konstruksyon ng Provincial Training Center (PTC) nito sa bayan ng Sablayan. 

“Ang planong itayo ay isang gusali na may dalawang classroom at isang tutuluyan ng mga trainors nito,” ayon kay Edwin Andoyo, Provincial Director ng TESDA. Mismong si TESDA Secretary Isidro Lapeña aniya ang nagsabi na handa na ang pondo para sa pagpapagawa ng gusali, nang bumisita ang Kalihim sa probinsya kamakailan para sa groundbreaking ceremony ng PTC. Sa nasabing gawain ay nakasama ni Lapeña si Sablayan Mayor Andy Dangeros at ilang opisiyal ng Sangguniang Bayan. 

Sinabi ni Andoyo na malaki ang maitutulong ng PTC sa mga kukuha ng kursong Teknikal-Bokasyonal (tech-voc) galing sa mga bayan ng Mamburao, Abra de Ilog, Paluan, Sta Cruz at Sablayan (MAPSSA). Bagamat ang itatayong training center ay laan para sa lahat ng bayan ng Occidental Mindor, higit itong malapit sa mga nabanggit na munisipalidad kaya tiyak na ikalulugod ng mga taga-MAPSSA ang nalalapit nang konstruksyon nito.

“Meron tayong Rizal Occidental Mindoro TESDA Training and Accreditation Center (ROMTTAC), na nagbibigay-serbisyo naman sa mga bayan sa Timog-Mindoro na binubuo ng San Jose, Magsaysay, Rizal, at Calintaan o Samarica,” saad ni Andoyo. Sa ngayon, ang Romttac ang nag-iisang paaralan sa lalawigan na pinamamahalaan ng TESDA.

Ipinaliwanag din ng opisyal na sa pagsisimula ng konstruksyon ng PTC ay bubuksan nila ang mga kursong carpentry, masonry, tile setting at iba pang may kaugnayan sa structure building.

“Sa pagtatayo ng PTC, isasabay natin ang ilang construction courses kung saan ang mga mapipiling scholars ay sila mismong magta-trabaho dito,” ani Andoyo, at katulad aniya ng iba nilang scholarship programs, may nakalaang allowance para sa mga estudyante nito. Para naman sa mga materyales ay may inilaan na ang TESDA na P600,000 inisyal na pondo.

Sakaling ganap nang operational ang PTC, sinabi ni Andoyo na handa na ang mga bubuksan nilang kurso kabilang ang driving, masonry, rice machinery operation at organic agriculture production. Maaari aniyang bisitahin ng mga interesadong mag-enroll ang kanilang Facebook page na TESDA Oksi Mindoro para sa updates sa mga scholarship program na iniaalok ng ahensya.

Kaugnay pa nito, binanggit ng Provincial Director na sa PTC manggagaling ang mga trainor na ipapadala sa mga liblib na lugar na natukoy ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF ELCAC) bilang mga pamayanang dapat tulungan.

“Isa sa naging problema natin nitong nagdaang taon ay ang kakulangan sa manpower para sa pagbibigay ng pagsasanay, at sa pamamagitan ng PTC, matutugunan na yan,” ayon pa kay Andoyo.

Ibinalita rin ng opisyal na inaasahan niyang sa darating na Marso ay magsisimula nang buksan ang iba pa nilang scholarship tech-voc courses. “Magpapatuloy din ang mga kurso at pagsasanay ng TESDA para sa aming mga partner na private institutions,” pagtiyak din ni Andoyo. (VND/PIA MIMAROPA)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments