Tagalog News: Sec. Nograles hinikayat ang mga Batangueño na gamitin ang StaySafePH para sa 'contact tracing

LUNGSOD NG BATANGAS, Enero 4 (PIA) -Hinikayat kamakailan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang mga Batangueño na idownload ang StaySafe PH application sa cellphone upang makatulong sa gobyerno sa contact tracing efforts nito.

Ito ang kanyang binigyang-diin sa pagbisita niya sa lungsod bilang panauhing pandangal sa isinagawang EBD Scholarship allowance distribution sa Batangas City Convention Center.
 
Ayon kay Nograles, layunin ng nasabing mobile app na masiguro ang kaligtasan ng publiko kontra COVID-19.
 
“Sa pamamagitan ng StaySafePH app, hindi na kayo paulit-ulit na magreregister kapag pupunta kayo sa malls, food chains at iba pang establishments,” sabi ni Nograles.
 
Mababatid din sa nasabing app kung may nakasalamuhang COVID-19 positive na makakatulong upang maging madali ang contact tracing.
 
Aniya pa, ginagawa nila nag lahat ng paraan upang makabalik ng ligtas ang mga negosyo, trabaho at mga paaralan sa susunod na taon.
 
Kaugnay nito, hiniling niya ang kooperasyon at suporta ng mga Filipino sa mga programa ng gobyerno at binigyang diin na ang paglaban sa COVID-19 ay dapat maging “shared responsibility”.
 
Sa mensahe  naman ni 5th Ditrict Representative Marvey Marino sa naturang okasyon, binigyang diin niya na si Nograles ang isa sa mga nagsulong sa Kongreso at nakahanap ng P40 bilyong pondo para sa free higher education sa mga state universities sa bansa.
 
Ipinaalam din niya ang balak ng national government na magsagawa ng survey para sa mga nagnanais tumanggap ng COVID-19 vaccine. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with report from PIO Batangas City)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments