Tagalog News: 10 pamahalaang lokal sa Bulacan, umangat sa Competitiveness Index

LUNGSOD NG MALOLOS, Pebrero 7 (PIA) -- Hindi napigil ng pandemya ng COVID-19 ang pag-angat sa Competitiveness Index ng Department of Trade and Industry o DTI ang sampung pamahalaang lokal sa Bulacan.
 
Sa ginanap na provincial awarding para sa Cities and Municipalities Competitiveness Index o CMCI kasabay ng Kapehan with Media Partner ng DTI, umangat sa pangwalong pwesto ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan mula sa pagiging pangsiyam noong taong 2019.
 
Kinilala rito ang kampanyang “We Fight As One” na nagsilbing panlalawigang istratehiya sa paglaban sa pandemya.
 
Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, ang CMCI ay taunang pagraranggo ng mga pamahalaang lokal sa mga lalawigan, lungsod at bayan na kinonsepto at isinasagawa ng National Competitiveness Council o NCC.
 
Naisasakatuparan ito sa pamamagitan ng Regional Competitiveness Committees sa tulong ng United States Agency for International Development.
 
Pangunahing basehan ng NCC upang maiangat ang ranggo ng mga pamahalaang lokal ay ang kawastuan ng mga datos sa apat na haligi ng mga reporma gaya ng economic dynamism, government efficiency, infrastructure at resiliency.
 
Nananatiling ang pamahalaang bayan ng Baliwag ang nakapagtala ng mga pinakamatataas na ranggo dahil ito ang Most Competitive na pamahalaang lokal sa Bulacan at pangatlo sa alinmang bayan sa buong Pilipinas.
 
Kalakip nito ang pagiging nasa unang pwesto sa larangan ng infrastructure development, pang-apat sa government efficiency at pang-anim sa kapwa economic dynamism at resiliency.
 
Sumusunod dito ang pamahalaang bayan ng Santa Maria bilang panglima na Most Competitive na pamahalaang lokal sa Pilipinas.
 
Bunsod ito ng pagiging pangatlo sa pwesto sa economic dynamism, pangpito sa larangan ng government efficiency at pangwalo sa infrastructure development.

Virtual na tinanggap ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang lungsod ng Malolos ang parangal bilang numero 1 na Most Improved Component City sa Cities and Municipalities Index mula sa Department of Trade and Industry sa pamamagitan ng National Competitiveness Council. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ang kadikit nito sa katimugan, pang-17 sa Overall Competitiveness ang pamahalaang bayan ng Marilao na kalakip ang pagiging pangpito sa economic dynamism, pang-17 sa government efficiency at pang-20 sa infrastructure development.
 
Naipwesto naman sa pang-15 sa Overall Competitiveness sa kategorya ng mga component cities ang pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte.
 
Taglay nito ang pagiging pangsiyam na pwesto sa larangan ng government efficiency, pang-13 sa infrastructure development at pang 14 sa resiliency.
 
Ayon kay San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes, natamo ng pamahalaang lungsod ang nasabing mga ranggo mula sa may 112 mga component cities sa bansa.
 
Sa larangan ng Most Improved Cities and Municipalities, malaki ang pag-angat ng pamahalaang lungsod ng Malolos dahil nakuha nito ang unang pwesto sa bilang Most Improved Component Cities.
 
Ayon kay Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian, malaking ang naging kontribusyon ng pagsisimula ng operasyon nang mas malaki at bagong city hall at ang mga ginawang reporma sa Business One Stop Shop.
 
Para sa Most Improved na First at Second Class Municipalities, nasa 15 pwesto ang pamahalaang bayan ng San Miguel na umangat mula sa pang 274 noong 2019 sa pagiging pang 108 nitong 2020.
 
Ang pamahalaang bayan ng Bocaue ay nasa pang 10 pwesto na ngayo’y pang 179 mula sa pang 264 noong 2019. Pangpito naman ang pamahalaang bayan ng Bustos na mula sa pagiging pang 387 noong 2019 sa pagiging pang 179 nitong 2020.
 
Ang pamahalaang bayan ng Angat na nasa pang 474 noong 2019 ay pang 249 na nitong 2020 kaya’t nasa pang-anim na pwesto.
 
Para sa third at fourth class municipalities, umangat ang pamahalaang bayan ng Paombong mula sa pagiging pang-796 noong 2019 sa pang 276 noong 2020 kaya’t nasa pang-apat na pwesto. (CLJD/SFV-PIA 3)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments