PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 1(PIA) – Personal na iniabot ng kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, William Dar sa mga lokal na pamahalaan at mga benepisyaryong magsasaka sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan ang kaloob na ayuda mula sa gobyerno.
Ito ay ang 337 yunit ng iba’t ibang makinaryang pansaka na iginawad sa 75 na kooperatiba ng magsasaka ng palay at mga asosasyon sa 17 bayan sa lalawigan, kabilang na ang Puerto Princesa.
Ayon kay Dar, namahagi sila ng P105 milyong halaga ng makinarya sa una at ikatlong distrito ng lalawigan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), habang P76.6 milyong halaga naman ng ayuda sa ikalawang distrito partikular na sa mga magsasaka ng Bataraza, Brooke’s Point at Rizal.
Bukod sa mga makinaryang pansaka, may mga ipinamahagi ring tulong at interbensiyon ang pamahalaan para sa mga mangingisda sa lungsod at ilang pang bayan sa unang distrito.
Namahagi rin ang DA sa pamamagitan ng tanggapan ng rehiyon ng Mimaropa, ng food at cash subsidy, indemnity checks, at fertilized e-voucher sa daan-daang mga benepisyaryo.
Samantala, sa pamamagitan ng mga ayudang ito, hangad ng kagawaran na magbabago at maiangat ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa Palawan.
Sa Press Conference, sinabi ng kalihim na may kabuuang P1.2 bilyon na nakalaang badyet para sa iba`t ibang mga programa at proyekto upang mapabuti ang produksyon at taasan ang kita ng mga lokal na magsasaka sa buong bansa ngayong 2021.
Ang tulong pinansiyal sa ilalim ng Kapital Access for Young Agripreneurs (KAYA) loan ay iginawad din sa dalawang batang magsasaka na sina Ernest Bajaro at Reizan Rodriguez, ng Puerto Princesa at Aborlan.
Bilang karagdagan, iginawad ng Regional Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang 10 yunit ng fiberglass boat at 80 set ng bottom gill net . Ang kabuuang mga interbensyon na iginawad ay nagkakahalaga ng P287.2M, ayon pa sa kalihim. (LBD/PIAMIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments