LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Peb. 2 -- Pinapayagan na ngayon ng pamahalaang panlungsod ang pag-aampon ng mga asong gala mula sa City Dog Pound.
Sa pamamagitan ng Executive Order number 001 s. 2021 na nilagdaan at inilabas kamakailan ni City Mayor Joseph Evangelista, pwede nang mag-ampon ang mga nagnanais mag-alaga ng aso mula sa mga nahuling stray dog ng Office of the City Veterinarian (OCVet).
Ayon kay Dr. Elaine May Mahusay, Veterinarian II ng OCVet, pamamaraan ito ng city government upang mabigyan ng tamang pangangalaga ang mga asong gala na nasa dog pound ng OCVet.
Sa mga nagnanais umampon ng aso, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa OCVet. Bago pa man ang adoption, dadaan muna sa kaukulang proseso, maliban pa sa mga screening at interview, ang mag-aampon upang malaman kung sapat ba ang kanilang kakayahan na mag-adopt.
Dadaan sa Responsible Pet Ownership ang mag-aampon at may application form na dapat i-fill-out. Kapag nakapasa sa screening at interview, saka pa lamang personal na makikita ang asong aampunin.
Pipirma sa Affidavit of Undertaking ang mag-aampon at ang city government kung saan nakasaad dito ang mga dapat sundin ng bagong may-ari. Tanging impounding fee ng aso naman ang babayaran ng bagong may-ari bago ang adoption. Imo-monitor ng OCVet ang asong inampon at obligado ang bagong may-ari na magsumite ng progress report sa kalagayan ng aso.
Nabatid na hinuhuli ng mga kagawad ng OCVet ang mga asong gala sa iba’t-ibang lugar ng lungsod upang hindi makapangagat at makaperwisyo sa iba at makontrol ang pagkalat ng nakamamatay na rabies sa mga komunidad. May pito hanggang sampung araw na binibigay na palugit sa mga may-ari upang tubusin ang kanilang alaga.
Samantala, hihimukin naman ni Evangelista ang Sangguniang Panlungsod na magpasa ng ordinansa para sa adoption ng mga aso. (JPE-CIO Kidapawan City LGU)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments