LUNGSOD NG BATANGAS, Pebrero 2 (PIA) --Ibinida ni Alitagtag Mayor Edilberto Ponggos ang mga nakahanay na flagship programs ng lokal na pamahalaan sa isinagawang Network Briefing News na pinangunahan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar kahapon, Peb 1, 2021.
Ayon kay Ponggos, isa sa nakikita nilang kailangang palakasin ang sektor ng turismo sa kanilang bayan.
Sinabi nito na may lugar sa kanilang bayan na kung tawagin ay “Dingin,” na kitang kita ang magandang tanawin sa bahagi ng Taal Lake at sa ibaba ay may 500 meters na shoreline na posibleng maging swimming, picnic at camping area ng mga turista.
“Kapag naisaayos ang “Dingin,” malaki ang maitutulong sa income ng aming bayan dahilan sa environmental fee na makokolekta sa mga turista. May bahagi din ang aming bayan na kapantay ng Tagaytay at plano naming mabutasan iyong pinaka-itaas dahil may limang barangay kami na nasasakop nito at maaaring gawing overlooking sa Taal Lake upang sa gayon mabubuhay ang komersyo sa bahaging ito ng aming bayan,” ani Ponggos.
Kaugnay pa nito, hiniling ni Ponggos ang tulong ni Sec. Andanar upang makalapit sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na mabigyan ng karagdagang pondo para maipagpatuloy ang pagsasaayos ng kalye sa ibabaw nito.
Dagdag pa ng punumbayan na mula sa mga bayad sa buwis, cedula, pagkuha ng business permit, magkakaloob sila ng Pangkabuhayan Package para sa mga tricycle drivers upang matulungan ang mga ito sa kanilang pamumuhay.
Sa 19 na barangay na sakop ng bayan, pipili sila ng isang benepisaryo bawat barangay na bibigyan ng grocery package o paghahayupan package upang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.
Isa pa sa mga flagship programs ang pagkakaloob ng housing program sa mga residente na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal lalo na ang mga nasa laylayan sa pakikipagtulungan sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na target mabigyan ng pabahay ang may 500 pamilya .
Ang pabahay ay babayaran ng mga benepisaryo sa mababang halaga lamang. Sa phase 1 magiging benepisaryo ang mga tricycle drivers at sa Phase 2 naman ay ang mga low income earners tulad ng factory workers at mga private employees.
Nakatakda ding magkaroon ng pabahay para sa mga kawani ng pamahalaang lokal sa pakikipagtulungan sa Pag-IBIG at DHSUD. Kabilang dito ang mga guro, kapulisan at empleyado ng munisipyo na wala pang bahay. Ang Pag-IBIG ang katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagdedevelop ng lupang pagtatayuan ng pabahay na may 168 slots.
Samantala, pasisimulan ngayong buwan ang Kapiling Bawat Tahanan ng Punong Bayan, isang programa na ang konsepto ay ibaba ang lahat ng serbisyo ng lokal na pamahalaan sa mga barangay. Ito ay upang maiwasan na mahirapan ang mga nasa barangay sa pagpunta sa munisipyo at mapadali ang pagbibigay ng serbisyo sa kanila.
Sa larangan naman ng edukasyon, magkakaloob ng educational assistance sa mga kabataang hindi sakop ng tulong na nagmula sa pamahalaang panlalawigan ng Batangas. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments