Tagalog News: Calauit Safari Park, planong buksan na sa mga lokal na turista

Calauit visit
Ang pagbisita nina Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi, Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer  at Palawan Emergency Operation Center Manager Jeremias Y. Alili at Provincial Economic Enterprise & Development Officer at Calauit Safari Park Director Dr. Myrna O. Lacanilao sa Calauit Safari Park kamakailan upang tingnan ang kahandaan nito sa muling pagbubukas ng nasabing parke sa mga lokal na turista. (Larawan mula sa Palawan  Provincial Information Office)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 23 (PIA) -- Planong buksan na ngayong Marso para sa mga lokal na turista ang Calauit Safari Park na matatagpuan sa Munisipyo ng Busuanga, Palawan.

Isinara ang nasabing parke sa pagbisita ng mga turista noong Marso 2020 mula ng magkaroon ng pandemya dulot ng COVID-19.

Bilang paghahanda sa pagbubukas nito ay ininspeksiyon ng Provincial Task Force Against COVID-19 (Palawan IATF) kasama ang Provincial Tourism Office (PTO) at Provincial Economic Enterprise and Development Office (PEEDO) ang nasabing parke kamakailan upang matiyak na maipatutupad dito ang minimum health standards sakaling muling buksan ang parke para sa mga turista.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi, handa na ang pamunuan ng parke na muling tumanggap ng mga bisita, ngunit magsasagawa pa rin aniya ang kanilang tanggapan ng Tour Guiding Training para sa mga tour guide upang maipaliwanag sa mga ito ang mga kinakailangang ipatupad na health protocols para sa mga turista.

Nagrekomenda naman ang PDRRMO ng karagdagang mga rekomendasyon upang magkaroon ng sistema kaugnay sa maayos na pagpapatupad ng minimum health protocol sa lugar.

Mayroon na ring mga gusali sa parke na maaaring gawing isolation room sakaling mayroong turista na makitaan ng sintomas ng COVID-19.

Target na buksan sa mga lokal na turista ang Caluit Safari Park sa ngayong Marso kung saan pangunahing atraksiyon dito ang mga hayop mula sa Africa tulad ng giraffe at zebra gayundin ang iba pang mga hayop na endemic sa lugar gaya ng calamian deer. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments