Tagalog News: Epekto ng distance learning, pagkansela ng face-to-face classes sa 25-M estudyante, tatalakayin sa Senado

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 24 (PIA) -- Tatalakayin ng Senado ngayong araw ang kalidad ng distance learning, mga psycho-social concerns na kaakibat nito, pati na ang epekto ng pagpapaliban ng face-to-face classes sa gitna ng pandemya, ayon kay Senator Win Gatchalian, ang Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ani Gatchalian, mahalagang matalakay ang mga hakbang na gagawin ng Department of Education (DepEd) upang maiwasan ang paglala ng tinatawag niyang “learning crisis”.

Muling nagbabala ang senador na kung hindi matutugunan ang mga hamong may kinalaman sa distance learning, malaking porsyento ng mahigit 25-milyong mag-aaral ang tutuntong sa susunod na baitang na hindi sapat ang kaalaman.

Bagama’t ginawa ng DepEd ang lahat ng posibleng hakbang upang maipagpatuloy ang edukasyon sa kabila ng mga hamon ng COVID-19, ipinaliwanag ni Gatchalian na marami pa ring hamong susuungin ang pagpapatupad ng distance learning kabilang na ang kakulangan ng maayos na internet, sapat na paggabay ng mga guro, pati na ang kalidad at bisa ng mga self-learning modules.

Ayon naman sa Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRe Educ Movement), may 70.9 porsyento ng mga gurong nakibahagi sa kanilang survey ang hindi kumpiyansang natututunan ng mga mag-aaral ang mga competencies na itinakda ng DepEd. Sa mga mag-aaral namang lumahok sa survey, mahigit 53 porsyento ang hindi siguradong matututunan nila ang kanilang aralin para sa kanilang baitang.

Mahigit 1,395 mga guro, 1,207 mga magulang, at 620 mga mag-aaral mula Grade 4 hanggang Grade 12 ang lumahok sa naturang pag-aaral.

“Dahil ipagpapaliban muna nating muli ang pagkakaroon ng face-to-face classes, mahalagang magkaroon tayo ng kaliwanagan sa kung ano ba ang magiging pangmatagalang epekto nito sa ating mga mag-aaral, lalo na’t hinaharap nila ang maraming mga hamong may kinalaman sa epektibong pagpapatupad ng distance learning,” ani Gatchalian.

“Ang ating layunin sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya ay masigurong natututo ang ating mga mag-aaral at maging handa sila para sa susunod na antas ng kanilang pag-aaral,” dagdag pa ng senador.

Sa ilalim ng 2021 budget, P16.615-bilyong piso ang inilaan para sa flexible learning options na kinakailangan sa patuloy na pagpapatupad ng distance leanring. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments