Tagalog News: Gatchalian naalarma na biktima ng karahasan ang maraming batang ina

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 28 (PIA) -- Lubhang naalarma si Senator Win Gatchalian sa iniulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na ilan sa mga batang ina ay biktima ng karahasan, pang-aabuso, o rape sa gitna ng naitalang pag-akyat ng bilang ng teenage pregnancy sa bansa.

Ani Gatchalian hudyat ito na dapat nang itaas ang “age of sexual consent” upang matugis ang mga mapang-abusong nasa likod ng mga maagang kaso ng  pagbubuntis.sa pagsisimula ng National Women’s Month na ipinagdiriwang tuwing Marso. 

Ayon kay POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez III, dalawa sa tatlong mga nakakabuntis sa mga teenagers ay mas matanda ng halos dalawampung (20) taon kaya mayroong nangyayaring powerplay kung tutuusin.

Bagama’t binibigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pananatili ng mga batang babae sa mga paaralan kung saan maaari silang makatanggap ng sapat na impormasyon at sexuality education, mahalaga rin aniya ang pagtugis at pagpapanagot sa mga nakatatandang nakakabuntis sa mga kabataan. Lusot na sa committee level ng Senado ang panukalang itaas ang age of consent sa edad na 16 na taon mula sa kasalukuyang edad na 12.

Pero nauna nang ipinanukala ni Gatchalian ang pagtaas sa age of sexual consent sa edad na 18. Ang kasalukuyang age of consent na 12 taong gulang sa Pilipinas ay ang pinakamababa sa Asya at ang pangalawang pinakamababa sa mundo.

“Sa ating bansa, itinuturing nating age of majority ang edad na 18 ngunit ang age of sexual consent ay edad na 12. Dapat lang na amyendahan na ang batas upang maprotektahan natin ang mga kabataan at panagutin ang mga nang-aabuso sa kanila,” ayon kay Gatchalian.

Matatandaang nagbabala ang senador na ang pandemya ay maaaring maging sanhi ng paglala ng mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, at maagang pagbubuntis. Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), 4,747 sa may 13,923 kaso ng violence against women and children ang naitalang kaso ng karahasan sa mga kabataan mula Marso 15 hanggang Nobyembre 30 noong nakaraang taon, kung saan naging hadlang ang quarantine measures upang masagip ang mga kabataang biktima ng karahasan sa mismong mga tahanan nila.

Iniulat din ng POCOM na ang mga kaso ng pagbubuntis sa mga menor de edad na may edad 10 hanggang 14 ay umakyat ng pitong porsyento noong 2019 kung ihahambing sa taong 2018. Noong 2019, ang bilang ng mga menor de edad na nanganganak ay 62,510, mas mataas ng 170 sa naitalang 62,341 noong 2018.

Ayon sa National Demographic and Health Survey noong 2017, ang mga batang teenagers ang kadalasang dumadaan sa sexual abuse, kung saan naitala noon na 26.4 porsyento ng mga nag-asawang babae sa edad 15 hanggang 19 ay nabalitang nakaranas ng physical, sexual, at emotional violence. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments