Tagalog News: IEC campaign para sa COVID-19 vaccine inilunsad ng LGU Infanta

Makikita sa larawan ang mga miyembro ng Local Deployment and Vaccination Plan Technical Working Group sa isinagawang information campaign and planning workshop upang mabuo ang Vaccination Plan ng bayan ng Infanta. (Larawan mula sa Municipality of Infanta FB Page.)

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Peb. 23 (PIA) --Inilunsad kamakailan ng pamahalaang lokal ng Infanta ang malawakang vaccination information, education and communication (IEC) campaign bilang bahagi pa rin ng kampanya ng pamahalaang lokal ng Infanta kontra COVID-19.

Naunang inimbitahan sa information drive ang mga myembro ng persons with disabilities (PWDs) upang mabigyang impormasyon ng mga staff mula sa Mayor's Office Information Section kaugnay ng kahalagahan ng bakuna, mga posibleng maging epekto nito, maging ang mga indibidwal na kabilang sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna.

Tinalakay din ang mga hakbang na kailangang isagawa ng pamahalaang lokal sa implementasyon ng vaccination plan ng bayan.

Ang IEC drive ay alinsunod sa direktiba mula sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) at National Task Force Against COVID-19 at sa Atas Tagapagpaganap Blg. 06 S. 2021 ng pamahalaang lokal ng Infanta sa pagkakaroon ng mga IEC drive upang magbigay ng mga impormasyon kaugnay ng pagkakaroon ng bakuna sa COVID-19.

Nauna rito, sa atas ni Infanta Mayor Filipina Grace R. America, pinangunahan ni Dr. Abelardo Jose, Municipal Health Officer/Chairperson ng Local Deployment and Vaccination Plan Technical Working Group, ang information campaign and planning workshop upang mabuo ang Vaccination Plan ng bayan.

Bukod sa pagbibigay ng mga karagdagang impormasyon patungkol sa bakuna, binuo rin ang inisyal na plano ng pamahalaang lokal kaugnay sa mga aktibidad na kinakailangang isagawa upang maging handa sa pre-implementation, vaccine administration at post-implementation phases ng vaccination program.

Tinalakay din dito ang mga areas for collaboration ng lokal na pamahalaan at ng pribadong sektor upang mapunuan ang mga gaps at masigurong magiging maayos at ligtas ang implementasyon nito.

Sa mga susunod na araw ay isasagawa narin ang iba pang awareness raising activities upang matiyak na makarating sa lahat ng kabahayan ang mga tamang impormasyon patungkol sa kahalagahan ng pagpapabakuna maging sa proseso na itatalaga para sa mga prayoridad na mabigyan nito. (CPG, PIA-4A at ulat mula sa Municipality of Infanta FB Page)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments