Vaccination program plan sa Dagupan City, pina-igting


SIYUDAD NG DAGUPAN, Peb 27 (PIA)- - Masayang ipinahayag ng siyudad ng Dagupan na tuluyan nang bumababa ang biläng ng kaso ng corona virus disease (COVID-19)  sa siyudad.

 


Ayon kay Mayor Brian Lim, ilang araw na ring nasa single digit na lamang ang mga dumadagdag na kaso at tuluy-tuloy ang pag-galing ng mga nag-positibo.

 


Malaki ang epekto aniya sa pagbaba ng kaso ang curfew hours at liquor ban na pinaiiral sa siyudad.

 


Sa kabila ng magandang balitang ito,  sinabi ni Lim na hindi pa rin sila magiging kumpiyansa at patuloy na ipaiiral ang mga tuntunin.

 


"Huwag pa rin sanang maging complacent o mag-relax kahit na bumaba na ang bilang ng kaso ng Covid-19 sa ating siyudad. Patuloy pa rin po tayong mag-ingat,” subi ni Mayor Lim sa isang panayam sa city plaza.

Masayang ipinahayag ni Mayor Brian Lim ng siyudad ng Dagupan na tuluyan nang bumababa ang biläng ng kaso ng corona virus disease (COVID-19)  sa siyudad. Ngunit pinayuhan niya ang mga frontliners at publiko na huwag magiging kumpiyansa at patuloy na ipairal ang mga tuntunin ng IATF. (RPM/PIA)

 


Nabanggit din ng local chief executive na nasa final stages na ang siyudad sa vaccination plan na inihahanda ng City Health Office (CHO). Iprinesenta na rin aniya ang mga equipment  na gagamitin pagdating ng bakuna. 

 

Naghahanap na din ang pamunuan ng siyudad ng  mas malawak na magiging vaccination facility dahil  mahihirapan ang ospital kung doon  isasagawa ang pagbabakuna.

 


 

Aniya, maraming health personnel ang kailangan upang manguna sa pagbabakuna. Bukod kasi sa actual vaccination, magkakaroon muna ng pre-screening at pagkatapos bakunahan ay kinakailangan din i-monitor ang AEFI o Adverse Event Following Immunization kung saan kailangang mamalagi  muna  ng 30  minuto o isang oras ang pasyenteng nabakunahan sa vaccination site para maobserbahan ang magiging epekto nito sa kanya.

 


 Pinaplanong gumawa ng kasunduan ang siyudad sa mga pribadong ospital kung saan maaring mag-cater o mag-asikaso sa mga pasyenteng magkakaroon ng adverse effect pagkatapos mabakunahan.

 


 

Plano ring gamitin ang Dagupan City People’s Astrodome bilang vaccination facility at patuloy pa rin ang paghahanap ng isa pang lugar na maaring paglagyan ng mga bakuna. (JCR/VHS/RPM/PIA Pangasinan)

 


 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments