Maigting na 'PDITR' ipatutupad sa Metro Manila simula Marso 15

MMDA Chairman Benhur Abalos

LUNGSOD CALOOCAN, Masrso 13 (PIA) -- Pabatid sa lahat ng mamamayan sa Metro Manila, sisimulan na rin sa Lunes, Marso 15, ang mas pinaigting na pagpapatupad ng estratehiyang "PDITR" o "Prevent, Detect, Isolate, Treat at Reintegrate" sa buong rehiyon. 

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benjamin Abalos sa isang press briefing, ang estratehiyang PDITR ay nagsisimula na sa ilang lungsod sa Kamaynilaan subalit asahan ang mas maigting na pagpapatupad simula sa Lunes kasabay ng unified curfew hours.

“Nakababahala ang pagtaas ng COVID-19 cases sa Metro Manila, mula 8 percent na mga kaso noong Pebrero 4 hanggang10 ito ay sumipa sa 60 percent nitong Marso."

“Sa projection ng UP Octa Research, nakababahala ang numerong kanilang ibinigay,” dagdag ni Chairman Abalos.

Upang malabanan ang lalo pang pagtaas ng mga kaso, ipatutupad ang dalawang linggong uniformed curfew kasabay nang pinaigting at pinalawak na PDITR.

Dalawang linggong ipatutupad ang mahigpit na curfew hours na sisimulan sa Marso 15. Ito ay mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Paliwanag ni Chairman Abalos, “Uniformed curfew hours ang ipatutupad sa buong rehiyon para hindi malito ang mga tao. Ang dalawang linggong panahon ay dahil sa ito ang mga araw ng buhay ng virus.”

Aniya, kasama sa pinaigting na PDITR ang pagbaba ng coordinated granular at special concern lockdown sa mga lugar na may pulu-pulong kaso ng COVID-19. 

Ang tracing at pag-quarantine ng close contact ay paiigtingin, ani Abalos, kaya dadagdagan ng Department of the Interior and Local Government ang mga contact tracers sa bawat lugar. 

Bukod pa rito, magdadagdag din ang Philippine National Police ng 360 na contact tracers.

Magbibigay naman si National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, sa pamamagitan ng Red Cross, ng 25,000 testing kits na ipamamahagi sa 17 lokal na pamahalaan ng Metro Manila bilang pagpapaigting sa contact tracing effort.

Gayundin, magkatulong ang PNP at ang barangay sa mas mahigpit at pinaigting na minimum public health and safety protocol.

Nakahanda na rin ang Oplan Kalinga o ang paghahanda ng mga quarantine areas kasama na ang ilang mga hotel. (PIA NCR) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments