Unified curfew hours sa Metro Manila, simula na sa Lunes

Metro Manila Council Chair at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez (PTV Screengrab)

PASIG CITY, Marso 13 (PIA) -- Simula sa darating na Lunes, Marso 15, ipatutupad na ang unified curfew hours sa Metro Manila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Ayon kay Metro Manila Council Chair at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez nitong Biyernes sa programang Laging Handa Public Briefing ng Presidential Communications Operations Office, "nagkasundo na ang lahat ng mga metro mayors" sa pagpapatupad ng uniform curfew hours na magtatagal sa loob ng dalawang linggo.

"Consensus po ito ng lahat ng mga mayors ng Metro Manila at hindi lang po ito majority. At sa loob ng dalawang linggong pagpapatupad nito ay magkakaroon ng data analysis at assessment," ani Oliverez.

Aniya, makatutulong ang pagkakasundo ng Metro Manila mayors sa unified curfew para mabawasan ang kalituhan, lalo't iba-iba noon ang patakaran ng bawat lokal na pamahalaan.

Gayundin, aniya, tuloy-tuloy ang papgpapaigting ng disiplina sa mga residente kasabay ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.

“We have to remind the discipline sa mga tao. Naka one year na tayo at parang nagkaroon na ng fatigue ang mga tao sa ating ini-implement. Sa curfew na binigay sa NCR, ang ibig sabihin nito seryoso ang pamahalaan para sa proper implementation ng minimum health protocols,” dagdag pa ng MMC chairperson.

Paliwanag ng alkalde, magkakaroon ng strict implementation ng curfew kasama ang mga kapulisan dito dahil magkakaroon aniya ng border check kung saan bawat siyudad ay may sariling ordinansa na may kaakibat na penalty.

Bagaman tuloy ang pagpapatupad ng mga lokal na pamahalaan ng unified curfew, may mga exemption naman daw.

Kabilang dito ang mga nasa graveyard shift, delivery ng essential services, at iba pang maituturing na frontline workers. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments