SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mar. 13 (PIA) -- Nabakunahan na ng kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang may 165 healthcare workers ng Occidental Mindoro Provincial Hospital (OMPH), ayon kay Dr. Karl Eugenio, tagapamuno ng Vaccination Team sa nabanggit na pagamutan.
Ayon sa mediko, ang unang bugso ng bakunahan ay ginanap sa mismong araw ng roll-out ng mga bakuna sa lalawigan, noong ika-7 ng Marso.
“Pitumpo’t walo ang nagpabakuna ng araw na iyon,” saad ni Dr. Eugenio. Ang sumunod na 87 kawani ng OMPH ay nabigyan ng bakuna noong ika-10 ng Marso.
Sinabi ni Dr. Eugenio na ang target nilang mabakunahan ay 228 healthcare workers, subalit, may mga kawani ng OMPH na mataas ang presyon (blood pressure) noong mismong araw ng bakunahan kaya hindi rin naturukan habang may ilan din na nagkaroon ng hindi maipagpalibang lakad.
Batay sa napagkasunduan ng pamunuan ng OMPH at ng Vaccination Team nina Dr. Eugenio, planong magtakda muli ng isa pang schedule para sa ikatlong bakunahan para sa mga healthcare worker ng panlalawigang pagamutan. “Nakasalalay sa Provincial Health Office kung kailan o kung magkakaroon pa ng kasunod na pagbabakuna sa OMPH”, ani Eugenio.
Ayon naman kay Dr. Ma Teresa Tan, Provincial Health Officer, sa kasalukuyan ay tigil-operasyon ang buong OMPH matapos na ang ilang kawani nito ay nagpositibo sa COVID-19. “Kaya nagdesisyon ang pamunuan ng OMPH na i-quarantine ang lahat ng nasa loob ng nasabing pagamutan”, ani Dr. Tan at kabilang sa mga ito ang mga vaccinator o mga naatasang magturok ng COVID-19 Vaccine.
Dahil hindi pa batid kung kailan muling magbubukas ang panlalawigang pagamutan, pinag-iisipan nang ibigay sa Community Hospital o kaya ay sa mga Health Center ang mga natirang bakuna. “Kaya lang ay kailangan pa rin nilang sumalang sa simulation, na isang requirement bago sila pahintulutang magsagawa ng aktuwal na pagbabakuna,” paliwanag ni Dr. Tan.
Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang linaw kung ano ang gagawin sa mga hindi nagamit na bakuna. Ayon kay Dr. Tan, kasalukuyang nakatuon ang atensyon ng PHO at pamunuan ng OMPH sa tila patuloy na tumataas na bilang ng mga medical health workers na nagpopositibo sa pinangangambahang sakit. (VND/PIA MIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments