Tagalog News: Plebisito sa Palawan, binuksan na

Maagang pumila ang mga botante sa Narra Pilot School sa Narra, Palawan upang dumalo sa plebisito sa panukalang paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya. (LBD/PIA-Palawan)

NARRA, Palawan, Mar. 13 (PIA) -- Natupad ang itinalagang oras ng Commission on Elections (Comelec) sa pagsisimula ng pagboto para sa plebisito sa Palawan sa panukalang paghahati nito sa tatlong probinsya na idinaraos ngayong araw.

Eksakto 7:00 a.m nang magsimula ang pagtanggap ng botante ng mga nakatalagang plebiscite committee sa bawat presinto.

Ito ang sitwasyon sa Narra Pilot School sa bayan ng Narra, sa sur ng lalawigan, kung saan sa kabila ng patuloy na buhos ng ulan, 6:00 a.m. pa lamang, makikita na ang mga nakapilang botante sa bungad ng voting place kung saan may desk na siyang tumitingin ng estado ng kalusugan ng isang botante bago ito papasukin sa mga presinto upang bumoto.

Lima hanggang sampung botante lamang ang maaaring magkakasabay na pumasok sa isang pinagsamang presinto bilang bahagi ng ipinatutupad na panuntunang pangkalusugan.

Ayon sa isang botante na si Randy Cabuhat, residente ng Narra, Palawan, mas mabilis lamang ang kaniyang naging pagboto kumpara sa regular na botohan sa nasyunal at lokal na eleksyon sapagkat ‘yes’ o ‘oo’ at ‘no’ o ‘hindi’ lamang ang isusulat sa balota.

Bago ang mismong araw ng plebisito, mahigpit na itinatagubilin ng Comelec sa mga botante na huwag kakalimutang dalhin ang kanilang face mask at face shield, at punan ang kanilang health declaration form upang mabilis ang maging daloy ng pagboto.

Sa kabila ng mahigpit na health protocol na ipinatutupad, tiniyak ng Comelec na lahat ng botante ay mabibigyan ng pagkakataong makaboto sakali mang makikitaan ito ng sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sapagkat may mga nakalaang isolation polling place sa bawat eskuwelahan.

Samantala, inaasahan na bandang 3:00 p.m ay isasara na ng plebiscite committee ang botohan sa bawat presinto.

Ang Palawan na panukalang hatiin sa tatlong probinsya ay binubuo ng 23 tatlong munisipyo na may kasalukuyang bilang ng rehistradong botante na 490,639, kung saan pinakamaraming botante ay ang bayan ng Bataraza na may bilang ng botante na 48,491. (LBD/PIAMIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments