Psychosocial support sa mga mag-aaral dapat ipagpatuloy -Gatchalian 

Senator Win Gatchalian

CALOOCAN CITY, March 19 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang patuloy na pagbibigay ng psychosocial support sa mga mag-aaral ng K to 12 sa bansa, matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mga kaso ng pagkamatay na may kinalaman sa suicide o pagpapakamatay ay umakyat ng 25.7 na porysento noong 2020 kung ikukumpara  noong 2019.

Ayon sa PSA, ang mga kaso ng intentional self-harm na naitala noong 2020 ay umakyat sa 3,529 mula sa 2,808 na naitala noong 2019. Matatandaang umakyat din ang bilang ng mga tawag na natanggap ng National Center for Mental Health (NCMH) noong nakaraang taon.

Mula Mayo 2019 hanggang Pebrero 2020, ang average na bilang ng mga tawag na natatanggap ng NCMH kada buwan ay 400. Umakyat ito sa 953 mula Marso hanggang Mayo 2020. Mula Marso 17 hanggang Oktubre 6, 2020 naman, ang average na bilang ng mga tawag kada buwan ay nanatiling 907. Base pa sa datos, ang average na bilang ng mga tawag na may kinalaman sa pagpapakamatay ay 53.

Ayon kay Gatchalian, may pinsala sa kapakanan ng mga kabataan ang isang taong pananatili sa kanilang mga tahanan at hindi pakikihalubilo sa kanilang mga mag-aaral at mga guro. Bago pa tumama ang pandemya, isang hamon na sa mga kabataang Pilipino ang kalagayan ng kanilang mental health.

Sa 2015 survey ng World Health Organization, nasa 16.8 porsyento sa 8,761 na mga mag-aaral na may edad 13 hanggang 17 ang nagtangkang magpakamatay sa loob ng isang taon bago isagawa ang survey.

Dahil hindi nakakalabas ang mga kabataan at hindi nakakapasok sa mga paaralan, nagbabala ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) na nagdudulot ito ng pakiramdam ng pagkalumbay. Ilan sa mga pinsalang dulot nito ay ang anxiety at kakulangan sa tulog na sanhi rin ng mas madalas na paggamit ng gadgets, hindi pagkain ng wasto, at kakulangan sa physical activity. Sanhi rin ng pagkabahala ng mga kabataan ang kalagayan ng kanilang kalusugan at ang problemang pinansyal ng kanilang mga pamilya.

“Dapat nating bigyan ng prayoridad ang kapakanan at mental health ng mga kabataan, lalo na’t isang taon na nilang hindi nakakasalamuha nang personal ang kanilang mga guro at kamag-aral,” ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Panukala ni Gatchalian, dapat maturuan ang parehong mga guro at mga mag-aaral sa pagtukoy ng kilos na naiuugnay sa suicide. Ito ay para mabigyan ang problema ng agarang aksyon o kaya ay maiulat sa mga kinauukulan.

Dagdag pa ng senador, mandato sa mga paaralan sa ilalim ng  Republic Act 11036 o ang Mental Health Act na paigitingin ang kaalaman sa mga usapin ng mental health at magbigay ng suporta at serbisyo sa mga taong nasa panganib, kabilang ang pagbibigay ng rekomendasyon para sa pagpapagamot at psychosocial support. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments