LUNGSOD NG CALAMBA, Marso 19 (PIA) --Namahagi kamakailan ng mga baboy ang Kagawaran ng Pagsasaka CALABARZON sa mga magbababoy na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa dalawang bayan sa lalawigan ng Batangas.
Sa layuning buhayin at palakasing muli ang industriya ng pagbababuyan sa rehiyon, may 60 sentinel pigs na umabot sa kabuuang halaga na P480,000 ang ipinagkaloob sa 12 benepisaryo, pito (7) mula sa Cuenca at lima (5) naman ang nagmula sa Nasugbu.
Maliban sa mga baboy, binigyan din ang bawat isa ng limang (5) hog starter feeds at 15 hog grower feeds sa pagtutulungan ng Regional Livestock Program ng Kagawaran at ng International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH).
Ang paglalagay ng sentinel pigs ay isa sa 4S ng programang Bantay ASF sa Baranggay (BABay ASF) ng Kagawaran ng Pagsasaka. Layunin nitong matukoy sa pamamagitan ng pagpapalaki ng ilang mga baboy kung mayroon pa bang presensya ng bayrus sa mga kulungan.
Sa ilalim ng mga alituntunin na inilatag ng National Livestock Program, magkakaroon ng lingguhang pagsubaybay sa mga lugar na lalagyan ng sentinel pigs upang maobserbahan ang kalagayan ng mga baboy. Magkakaroon din ng ilang pagsusuri sa mga baboy. Kung ang mga kulungan at sentinel pigs ay mag-negatibo sa mga pagsusuring ito, maaari na silang magparami na muli ng mga alagang baboy.
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments