CABARROGUIS, Quirino, Abril 1 (PIA)-Simula ngayong araw ng Abril ay nakasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong lalawigan.
Ayon kay Gov. Dax Cua, lahat ay dapat manatili sa mga tahanan para mapigilan ang pagkalat ng Covid -19 sa lalawigan na nasa high risk o critical situation na.
Hiniling ng gobernador ang pang-unawa at pagtalima ng mga mamamayan sa mga alituntuning ipinatutupad sa probinsya para maprotektahan ang bawat isa laban sa Covid-19 at maibaba ang bilang ng kaso sa lalawigan.
“Apo nga kakabsat ken kailyan idtoy Quirino, dumawdawatak ti dispensar kadatayo amin. Daytoy nga desisyon ket nadagsen unay ngem isu iti rumbeng tapno nga desisyon tapno mapigilan iti panagado iti kaskaso ito covid idtoy ayan tayo," ani Cua.
Ayon pa kay Cua, hindi ginusto ng PLGU ang mapasailalim sa MECQ dahil marami sa mga mamamayan ang maperperwisyo at maapektuhan ngunit sa ngayon ay kailangang magkaroon ng decisive action.
“Mahirap man ang desisyon, kailangan po nating gawin upang masugpo ang Covid-19. Nagkakakulangan tayo ng mga hospital beds in Quirino and even outside Quirino tulad ng Santiago at Tuguegarao to treat our Covid critical patient,” ani Gov. Cua.
Dagdag ni Cua, kung walang kakayahang manggamot sa mga pasyente, maaaring magresulta sa kamatayan dahil kulang ang probinsya sa treatment facility.
“Ganyan po katindi ang nagiging aksyon natin because we want to prevent the loss of the lives of our kailyan. Gusto natin pag may magkasakit, may ospital at may kwarto sa ospital na available para sila ay gamutin upang mabawasan ang kanilang panganib na mamatay.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 794 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa Covid-19, 301 sa kanila ay gumaling na at 481 pa ang nagpapagaling sa Community Isolation Unit at sa iba’t ibang isolation units sa anim na bayan. Nakapagtala na rin ang lalawigan ng 10 Covid-related deaths.
“Punong-puno po ang ating CIU at QPMC, pati ang Maddela District Hospital ay puno na rin at bubuksan na rin natin ang Diffun District Hospital at Aglipay District Hospital para sa mga Covid patients,” pahayag ng gobernador. (MDCT/TCB/PIA 2 - Quirino)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments