Tagalog News: 3 taga-Pasay na tinamaan ng S. African COVID-19 variant, gumaling na -Mayor Emi

Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano (PIA NCR file)

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 3 (PIA) -- Masayang ibinalita ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano nitong Martes na gumaling na ang tatlo nilang residente na nahawa ng South African variant ng COVID-19. 

Nauna rito, sinabi ng Department of Health (DOH) na tatlo sa anim na naitalang impeksyon ng South African variant sa bansa ay nahawa sa pamamagitan ng "local transmission," habang dalawa rito ay mga returning overseas Filipino, at isang inaalam pa ang lokasyon.

Ang tatlong local case, na pawang mga residente ng lungsod, ay sumailalim sa swab testing noong Enero 27 at nitong Pebrero 13.

Ang pasyente ay kinilala na isang 61-anyos na babae, isang 39-anyos na lalaki, at isa pang lalaki na 40-taon gulang ang edad.

Ang 40-anyos na lalaki ang unang naka-recover sa South African variant ng COVID-19, ayon sa DOH. 

Ang isa pa sa mga pasyente, ayon pa kay Rubiano, ay isang seafarer na ninirahan sa isang transient home.

Gayunpaman, hindi naman tinukoy ng alkalde kung saang barangay sa Pasay ito naninirahan.

“Ang isa po ay gumaling kahapon [Lunes], samantalang ang isa naman ay gumaling ilang araw lang pagkatapos," ayon sa punong lungsod.

Binanggit din ni Rubiano na patuloy ang Pasay City Government sa pagpapadala ng mga sample mula sa mga COVID-19 patient sa Philippine Genome Center para magawan ng genetic sequencing.

Ayon pa sa alkalde, bago pa man iniulat ang kaso ng South African variant sa bansa, ay pinaigting na ng lokal na pamahalaan ang COVID-19 prevention at response nito upang mapigilan ang ibayong pagkalat ng virus sa siyudad.

Nitong March 1, nakapagtala ang Pasay ng kabuuang 519 active case kung saan 44 dito ay mga bagong kaso. (PIA NCR)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments