Tagalog News:  Caraga RTF, puspusan ang kampanya sa pagbabakuna kontra COVID-19

LUNGSOD NG BUTUAN, Marso 3 (PIA) -- Sa nakatakdang vaccine rollout para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Caraga sa susunod na mga linggo, puspusan na ang pangangampanya ng mga miyembro ng Regional Task Force against COVID-19 One Caraga Shield (RTF-COCS) para sa pagbabakuna laban sa nakamamatay na sakit.

 “Ang pinaka importante actually right now, ang pinaka challenge is pag-increase ng confidence level [of the public]. Information dissemination is very important, that's the real key,” ani Cabinet Secretary Karlo Nograles sa nagdaang Caraga Regional Task Force against Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) 1st Quarter Full Council Meeting for CY 2021 noong Miyerkules, Pebrero 24.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) Caraga sa kanilang Regional Readiness Assessment noong Pebrero 17, kalahati pa lamang sa kabuuang target para sa demand generation, social mobilization, and communication ng COVID-19 vaccine deployment ang nakamit ng mga provincial governments ng limang probinsya sa rehiyon at ng syudad ng Butuan.

Dahil dito, magsasagawa pa ng mas agresibong pangangampanya ang probinsya ng Agusan del Norte.

“Usa sa among concern is kining mga agam-agam sa mga tao, mga kahadlok, that’s why in the province, we are creating a team na muconduct ug massive information drive, of course, with the guidance from DOH para masabtan sa atong mga tao na importante kini na kalihukan [Ang isa sa mga alalahanin naming ay ang agam-agam at takot ng mga tao (sa mga bakuna) kaya dito sa probinsya, gagawa kami ng isang team na magsasagawa ng malawakang information drive, syempre sa patnubay ng DOH, upang maintindihan ng mga tao ang kahalagahan ng mga inisyatibong ito],” giit ni Agusan del Norte Gobernador Dale Corvera.

Bibigyan din ng provincial government ang bawat local government unit sa probinsya ng P1 milyon bilang suporta para sa isasagawang pagbabakuna.

Patuloy naman ang DOH Caraga sa paggawa ng mga information, education, at communication (IEC) materials para sa malawakang pagbabakuna na isasagawa ng pamahalaan.

“On-going na po ang ano natin, [production ng] mga IEC materials, mga tarpaulins for this coming vaccination,” sambit ng National Coordinator for COVID-19 Vaccines Ma. Jasmine Sarce.

Bukod sa mga materyales na ipinalabas ng kanilang national office, gumagawa din sila ngayon ng localized materials. Sa kasalukuyan, may ginagawang Bisaya version ng “COVID-19 Vaccination 10 Must Know” ang kagawaran.

Samantala, binigyang-diin ni Gob. Corvera ang kahalagahan sa pakikilahok ng mga public figures sa COVID-19 vaccination program.

 “Ako gani, as local chief executive, kung dawaton ko sa DOH, pwede ko magpauna ug bakuna kay para kita na mga influencer dapat makita sa mga tao na wa ta mahadlok arun sila, musunod napud (sa pagpabakuna). [Bilang isang local chief executive, handa ako na unang magpabakuna, kung papayagan ako ng DOH, upang makita ng publiko na hindi tayo natatakot at susunod na din sila sa pagpapabakuna],”aniya.

Positibo naman si CabSec Nograles na tataas ang kumpyansa ng publiko sa pagpapabakuna lalo na’t nagsisimula na ang ibang rehiyon sa kanilang pagbibigay ng mga bakuna.

 “Ito yung magiging premise, yung makikita sa mga tao [yung pagbabakuna]. ‘To see is to believe,’ ika nga. Nevertheless, ipagpatuloy pa rin natin yung mga planong inihanda ng mga LGUs, ng DOH para sa information dissemination,” dagdag pa ni CabSec Nograles. (DMNR/PIA-Caraga)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments