LUNGSOD NG BATANGAS, Marso 12 (PIA) --Binakunahan laban sa COVID-19 ang mga medical frontliners sa Batangas Medical Center (BatMC) noong Marso 8 sa isinagawang vaccination rollout sa nabanggit na ospital na pinangunahan ni Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) CALABARZON Regional Director Dr. Eduardo Janairo.
Unang binakunahan si BatMC Chief of Hospital Dr. Ramoncito Magnaye, ang kauna-unahang medical frontliner na may co-morbidity sa naturang ospital .
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Dr. Magnaye na nagpahayag siya ng pagnanais na maunang maturukan kahit pa may comorbidity dahilan sa kagustuhan din niyang maipakita na ang bakuna kontra COVID-19 ay epektibo at ligtas.
“Sa pamamagitan ng pangunguna sa pagpapaturok ay ipinapakita lamang nito ang aking kumpiyansa na ang bakuna tulad ng SInovac ay dumaan sa masusi at epektibong pamamaraan kung kaya’t ito ay ligtas para sa lahat. Sana ay mas maraming medical frontliners pa ang mahikayat na magtiwala sa mga bakuna kontra COVID 19 dahil ito lamang ang isa sa panlaban natin upang huwag dapuan ng virus”, ani Magnaye.
Sinabi naman ni Dr. Janairo na anuman ang uri ng bakuna na dumating o bigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization (EUA) ay ligtas sapagkat ito ay dumaan sa masusing panuntunan ng mga eksperto. Aniya, ito ang nakikitang sagot upang mapababa at maiwasan na ang pagkakahawaan sa COVID 19 alinsabay ng patuloy na pagsunod sa minimum health protocols ng pamahalaan.
Ayon naman kay Dr. Jade Javier, Chairman-Infection Prevention and Control Committee ng BatMC, walang dahilan upang matakot na magpabakuna at hinihikayat ang lahat ng eligible na magpabakuna dahil ito ay additional protection hindi lamang sa sarili kundi para sa buong komunidad.
“Alam kong natatakot tayo, marami tayong mga tanong tungkol sa mga vaccine pero the first thing to do is to get the right information. Hindi kailangan matakot kung alam mo ang mga bakuna at kilala mo ang mga bakuna at dapat tama din ang nakukuha mong info tungkol sa mga ito”, sabi ni Javier.
Binigyang-diin naman ni Dr. Amor Calayan, Director of Nursing BatMC na kumbinsido siya na ang pagpapabakuna ay isang moral responsibility bilang medical frontline health worker at lider ng nursing service.
Samantala, hinikayat naman ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang lahat ng mga Batangeño na magpabakuna dahil ito ay para sa kapakanan ng hindi iisang tao lamang kundi maging ng bawat miyembro ng pamilya at komunidad.
Aniya, maging siya ay nakahandang magpabakuna sakaling mabibigyan na ng pagkakataon ang kanilang sektor upang ipakita ang kumpiyansa dito at bilang halimbawa din sa mga kapwa Batangeño na may agam-agam ukol sa pagpapabakuna. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments