Tagalog News: Comelec-Palawan, walang naitatalang ‘untoward incidents’ kaugnay ng plebisito

Atty. Urbano C. Arlando-COMELEC Palawan
Sinabi ni Comelec-Palawan Provincial Election Supervisor Atty. Urbano C. Arlando sa press conference kahapon na simula nang ipatupad ang plebiscite period kaugnay ng paghahati ng probinsiya sa tatlong lalawigan ay wala pa silang naitatalang 'untoward incidents' kaugnay ng nasabing aktibidad. (PIA-Palawan File Photo)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mar. 12 (PIA) --  Tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC)-Palawan Provincial Election Supervisor Atty. Urbano C. Arlando sa press conference kahapon na wala pang naitatalang ‘untoward incidents’ o mga insidenteng hindi kanais-nais kaugnay ng gaganaping plebisito sa lalawigan.

Ani Atty. Arlando, batay sa mga ulat mula sa Municipal Joint Security Control Center na binubuo ng mga election officer, Philippine National Police (PNP), Local Government Units (LGUs) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay wala pang nai-ulat o naitala na mga insidenteng hindi kanais-nais mula ng ipatupad ang plebiscite period.

Maging sa mga tanggapan ng Comelec, ani Atty. Arlando ay wala pa silang natatanggap na reklamong inihain sa alin mang munisipyo sa Palawan na may kaugnayan sa plebisito. Umaasa rin ito na sana, hanggang matapos ang plebisito ay walang maitalang ‘untoward incidents.’

Sinabi rin nito na naririnig na niya ang isyu hinggil sa 'vote buying' ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo tungkol dito.

Pinaalalahanan din nito ang mga botante sa lalawigan na ang ‘vote buying ay isang ‘criminal offense’ at hindi lamang ang namimili ng boto ang makakasuhan dito kundi maging ang nagbibenta ng boto o tumatanggap ng pera ay kasama rin sa demanda.

Bukas, Marso 13, magsisimula ang pagbubukas ng mga polling places sa ganap na 7:00 ng umaga at magtatapos ng 3:00 ng hapon. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments